Popular na Kultura at Sekswalidad: Anatomiya ng Iskizofrenia

March 4, 2009

Popular na Kultura at Sekswalidad: Anatomiya ng Iskizofrenia

1. Schizophrenia (Iskizofrenia) : a psychotic disorder characterized by loss of contact with the environment, by noticeable deterioration in the level of functioning in everyday life, and by disintegration of personality expressed as disorder of feeling, thought (as delusions), perception (as hallucinations), and behavior.

2. Sexuality (Sekswalidad) : the quality or state of being sexual: a: the condition of having sex b: sexual activity c: expression of sexual receptivity or interest especially when excessive (mula sa Merriam-Webster dictionary)

Hindi kaila sa marami na ang dominanteng mga diskurso sa sekswalidad sa Pilipinas ay may katangiang iskizofreniko. Ibig sabihin, ang mga diskursong ito ay madalas hiwa-hiwalay, hindi nakabase sa rationality (bagamat madalas ay bumubuo ito ng sariling lohika at legalidad sa mata at isip ng marami; ang tawag dito ay irrational rationality) at represibo. May ilang mga malalakas na impluwensya na bumubuo sa mga Pilipino bilang mga sekswal na mga mamamayan sa panahon ng globalisasyon at international divison of labour. Bagamat ang mga realidad na ito ay pinakamalapit sa praktika at sa karanasang flesh and blood ay patuloy ang reproduksyon ng isang dominanteng uri ng sekswalidad na represibo, eksploytatibo at sa isang anggulo ay oportunista rin. Ang mga sumusunod ay ilang mga tematiko, diskurso at mga obserbasyon ko sa consumption ng dominanteng uri ng sekswalidad na ito, na ang primaryang midyum, bukod sa mga ideological state apparatus (pamilya, eskwela, simbahan) ay ang popular na kultura. Madalas, mimetic ang consumption ng mga tao sa mga diskursong ito, dahil madaling sundan at paniwalaan ang lohiko ng mga ito.

[1] Ang Imahe ng Birhen at Paano Gawing Atsara ang Tao sa Loob ng Garapon

Mayroong fetish o ilohikal na attachment ang maraming Pilipino sa mga birhen (donselya, never been kissed (never been touched), atbp.). Madalas, ang imahe ng birhen ay madaling ma-trace sa imahe ni Maria Clara (bilang paragon ng lahat ng kababaihan sa isang bansang mahigit pitong libo ang mga pulo?) at siyempre, sa ikonikong Birheng Maria ng Katolisismo. Mula’t sapul, ang tradisyunal na pagpapalaki sa mga batang babae ay nakatali sa ilang bagay-

[a.] Ang pag-aalaga sa pamilya (domestikong pamumuhay) kung saan ang batang babae ay kinokondisyong upang maging mabuting asawa, maging mabuting maybahay at maging mabuting ina sa mga anak kapag nagkapamilya na. Mayroon akong isang naging pag-aaral dati, tungkol sa isang kwentong pambata na tumatalakay sa mga trabaho ng isang ina sa loob ng bahay. Sa isang bahagi ng kuwentong ito ay may isang matandang babae na nagsalita, nagagalit sa lagay ng kamay ng abang ina, “Baka hindi na hawakan ang kamay mo ng asawa mo dahil sa gaspang!”. Ang persona na nakakakita sa lahat ng ito ay isang batang babae rin; at sabi niyang dahil sa pagmamahal niya sa kaniyang ina ay hindi naman niya napapansin ang gaspang ng kamay ng ina. Produktibo ba itong sinabi ng awtor o kontra-produktibo?

Sa aking palagay ay naging kontra-produktibo ito dahil hindi niya ipinakita ang tunay na mga posibleng mangyari. Dahil sa kontrata sa pagitan ng mag-asawa, ay may unspoken rule na dapat ay magmahalan ang dalawang tao na ito habambuhay, till death do us apart. Ibig sabihin, walang pakialam ang diskursong ito sa kung ano ang pwedeng mangyari sa mga taon ng pagsasama ng dalawang tao. Ang importante, manatiling nagmamahalan- at ang pagmamahalan ng mag-asawa ay may pormula rin. Maghanapbuhay, umuwi sa bahay, makipagtalik, mahalin ang mga anak, maging modelong indibidwal para gayahin ng mga bata, atbp. Tanggap na ng lipunang Pilipino ang mga ideyal na ito, kaya makikita ito sa mga komersyal ng sabon, alcohol, pagkain, polbo at maging sa isang dating billboard ng Bench, kung saan ang pamilya ng isang personalidad sa telebisyon ay nakabalandra sa may EDSA.

Ibig sabihin ba ay itatapon na dapat natin lahat ng mga bagay na ito, dahil sila’y walang direktang kontribusyon sa pag-intindi sa mga tunay na kondisyon ng pamumuhay bilang isang domestisidad na kinikilala ng estado? May paraan upang masalba ang ilang mga aspeto nito. Una, ang suporta sa pamilya ay tunay namang kailangan. Ngunit ang represibo dito ay ang role-playing na hinihintay ng bawat indibidwal sa kanilang mga kasama sa buhay. Dito nagkakaroon ng problema, at dito madalas nag-aaway ang mga tao, sapagkat hindi ganito nais mamuhay ng isang indibidwal. Ang karahasan ay isa lamang sa maraming uri ng reaksyon sa represibong domestisidad, na nakatali rin naman sa dominanteng uri ng sekswalidad na mapang-akit dahil maraming bawal, pero kapag naroon ka na ay talagang maraming bawal.

Paano natatakpan ang ganitong uri ng realidad, kung sa kalakhan ay maraming nagkakaroon ng mga magkakatulad o magkakamukhang problema sa isang neo-konserbatibong/iskizofrenikong sekswalidad at domestisidad? Ginagawa ang pagpaplantsa sa mga bagay na ito sa mga talkshow tulad ng Sis at Boy & Kris at kung anu-ano pang mga komoditi ng mga popular na network. Kung mapapansin niyo, ang mga programang ito ay madalas umiinog sa domestisidad. Kaya lang, dapat may sosi, mas kaakit-akit ang mga aktibidad para maging mas maayos ang reception ng audience. Ang pagluluto ay ginagawang mas ka-akit akit dahil may chef at si Kris Aquino ang nagluluto, nagmamando at tumitikim sa pagkain, kaalinsabay din naman ng malawakang proyekto ng Maggi na maging mainstay sa lahat ng kusina sa bansa. Sarap, domestisidad, ano ang dapat pangluto, paano magluto in style- lahat ng ito ay tinatahi sa naratibo ng popular, at ang ang pagtatahi, bagamat hindi pino ay inaabangan ng mga tao sa umaga, pagkakain ng umagahan na ang nagluto madalas ay nanay, kapatid na babae, lola o tiya na nakikitira sa bahay. Dahil madalas hindi praktikal ang tuluyang pag-gaya ay gumagawa ng sarili estilo ang mga tao- at ang pinaka-accessible na pag-gaya sa mga ginagawa ni Kris ay ang pag-gamit sa mga ginagamit niya, at ang isa na rito ay ang Maggie Magic Sarap (gawa ng Nestle!).

Ang mga puntong nabanggit ay pwedeng palawakin indefinitely. Sa mga mas bagong henerasyon ay madalas dalawa ang problema ng kabataan sa kanilang mga pamilya, at sa paraan ng pagpapalaki sa kanila. May isang uri ng magulang na malayang nakakagalaw ang mga anak, kahit pa sa bingit ng kamatayan ay hahayaan ito, at malugo na tatanggapin kung gusto mang bumalik. Ito ay isang alter-ideology na resulta ng disavowal sa mga kronika at mga pagpapahalaga ng mga nakaraang panahon. Madalas ang mga batang produkto ng ganitong uri ng pagpapalaki ay maraming katalik, mahilig sa mga eksploratibong mga gawain (ang marijuana, atbp., ay madalas sinusubukan) at madalas ay nababahagi sa isang uri rin ng subkultura. Ang mga subkultura ay paiba-iba kada lugar, at ito ay may iba’t ibang permutasyon rin base sa saray na pinag-uugatan ng isang tao. Ang mga clique sa petiburgesya ay may katumbas sa mga saray ng lipunan na hindi mataas ang konsentrasyon ng libreng oras at pera. Kahit na ganito ang mga pangyayari, ay nagiging dominante pa rin ang sekswalidad at iba’t iba pang mga ideyolohiya dahil gagawa at gagawa ng paraan ng popular na kultura upang marating ang kasuluk-sulukan ng daigdig. Ang consumption man ay mag-iiba-iba, base na rin sa uri ng access na mayroon ang isang tao. Madalas, nagkakaroon ng isang dominanteng imahe na rin bilang pamalit sa pinag-halu-halong mga popular na musika at mga tematikong bumibighani sa kabataan. Isang halimbawa na nito ang kantang Noypi ng Bamboo o Stupid Love ng Salbakuta, na sa kani-kanilang panahon ay nagsilbing mga himno ng ilang piling grupo ng kabataan na nagkaroon ng asosasyon sa mga laman ng kanta. Sa ibang saray ng lipunan ay iba’t ibang lebel ang naging pagtanggap sa mga nasabing kanta. Sa petiburgesya, ang Noypi ay bahagi lamang ng tren ng mga kantang sunud-sunod na pumipilit pumukaw sa damdaming patriotiko (Dicta License ay mayroon ding ganitong kanta); habang ang iba ay jologs ang tingin sa Stupid Love (pero kinakanta rin ng pasikreto dahil catchy ang tono). Ano ang gusto kong tumbukin?

Hindi iisa ang pinagmumulan ng dominanteng diskurso at hindi rin pantay ang distribusyon nito; kaya naging napakahalaga ng mga ikonikong mga bagay sa kulturang Pilipinas dahil isa rin itong madaling paraan upang magbigkis ng komunikasyon sa napakaraming taong iba’t iba ang pinagmula na saray sa lipunan at iba’t iba rin ang materyal na kondisyon ng pamumuhay. May mga tao bang nagpapatakbo sa mga industriyang kultural na ito, na humuhubog sa mga ideya tungkol sa paano ba gamitin ang mga genitals? Syempre, mayroon.

“Sex sells!” sabi ng isang aktor sa isang pelikula ni Sarah Geronimo. “No Boyfriend Since Birth Ka? Hahaha!!!” Yan ang mga binitawang linya ni John Lloyd Cruz sa isang pelikulang napilitan ako panoorin dahil ako’y nasa isang bus patungong Maynila. Sa lakas ng mga ispiker ay may suspetsa akong fan ni John Lloyd at Sarah Gerinomo ang konduktor. Bilang ilustrasyon, ay makikita kaagad ang sinasabi kong iskizofrenikong sekswalidad ng mga Pilipino. Sex sells, masarap ang sex, ang babaeng naka-two piece, hubo, atbp. at nakakatawa na walang boypren ang isang office worker na matagal nang gradweyt sa kolehiyo. Ang katawagang “hag” o “old maid” ay pwede nang ibato sa abang babaeng walang ka-partner pa sa buhay. Sa isang banda, masakit na tanggapin ang mga bagay na ito dahil ang turo sa mga kababaihan ay dapat maging busilak ang kalooban at sa pers taym ay dapat mga kampana na ng simbahan ang kasunod. Madalas ang taong hindi na gumagana ang ideyolohiyang ito ay nagtatanong- ano ba kasi ang relasyon talaga ng sex at ang pagpapamilya at kasal? Dahil para sa mga taong ito, ang sex ay isa lamang function ng katawan ng tao, parang pagpunta sa kubeta at pagkain ng kanina at ulam. Ang sex ay   defetishized dahil ang mundo ng mga taong ganito mag-isip ay hindi na nakatali sa guilt na walang naman talagang pinag-uugatan, at sa isang sadistang uri ng pananakit sa sarili- ang abstinence habang ang mga pantasya tungkol sa pagliliwaliw sa bisig ng isang kapareha ay walang tigil naman. Ang praktika ay ganito, ngunit ang pantasya at sigaw ng dibdib ay iba.

[2] Maputi, Metathione at Kung Bakit May Mga Rapper na Laging Walang T-Shirt

Si Jay-R ang rapper na madalas na pinapakitang walang t-shirt sa kung san-sang mga pelikula at maging sa mga ads ng kung anu-anong mga komoditi. Ang halos nakahubad na sa hanay ng mga kababaihan naman ay sila Marian Rivera, Angel Locsin at ilan pang mga indibidwal na ispesipiko ang pagkakabuo sa loob ng industriya ng pelikula, tv ads at mga soap opera. Sa antas ng mga apperances ay ispesipiko ang dominanteng diskurso ng sekswalidad. Nagkakaroon ng sekswalisasyon lahat ng bagay, lahat ng uri ng salita, lahat ng uri ng kilos. Ang sekswalisasyon ay madalas makikita ang mga ugat pa rin sa isang uri ng rasismo na sa panahon pa lang ng kolonyalismong Amerikano sa Pasipiko ay nariyan na.

[a.] Eksotismo- isang salitang madalas ginagamit ng mga hindi natutuwa kung paano pagpantasyahan ang mga maitim ang balat. Iskizofreniko ang pananaw sa balat ng tao, at sa kulay nito. Bakit naging eksotiko ang mga maitim at brown skinned e nasa Pilipinas tayo?

Ibig lang sabihin nito, ang normal ay maputi, makinis (ibig sabihin, mabango, walang sakit, malusog, kaakit-akit, masarap), atbp. Walang problem kung ang isang indibidwal ay mahilig sa maputi- trip niya iyon. Ang problema lang, kung hindi ka sasalpak sa mga kategoryang ito ay hindi ka maganda/pogi. Marami rin namang mga taong hindi na sumusunod sa mga ganitong patakaran sa pagpili ng taong kakaibiganin o gagawin kapareha sa buhay. Tingin ko ba ay kung sinusunod pa rin ito ay sasabog ang Pilipinas sa dami ng mga nagagalit, naiinggit, nagkakagalit, atbp.

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: