{Poetry} Ang Nilupig

September 7, 2016

ANG NILUPIG

Naglalakad pauwing kalahati ang katawan
Laman, buto, dugo, nasaan?
Naroon! Naiwan sa lamesa
at upuan, kasama ang
memo ng HR ukol sa
habitwal na pagkahuli
sa opesina.

Noong araw na nabiyak ang aking bungo,
Napansin ng boss ko na matamlay
Ako sa trabaho.

“INCIDENT REPORT!” sigaw niya mula sa trono.

Tuluyang nalusaw ang dugtong
ng kaliwa’t kanan at
umagos na parang jelly ang
aking katinuan.

Humuni nang humuni ang aking telepono.
parang ayaw kong buksan dahil
parang alam ko na ang patutunguhan
ng malabo-malinaw na usapan.

“Kuya,” bungad ng pipit na boses
sa kabilang linya, sa
kabilang bayan, sa likod ng
bukid na hindi amin, sa
bahay na aming inuupahan.

“Ano iyon?”

Ngunit alam ko na na ang kaniyang sagot.

Hindi na mabilang na uri ng pangangailangang
Nagsusumigaw lahat ng haplos at aruga.
Mula sa tanging taong may daliring nakapatong
Sa mapagkunwaring kasaganahan.

“Si nanay,”

Naaalala ko ang aking payak na kabataan,
sa ilalim ng bayabasan sa piling ng mga
kaibigan walang alam, sa mundong
malupit at puno ng kakulangan.

At ngayon:

“Si nanay, wala na.”

Ang telepono ko’y naginit at
umusok – singinit ng
impyernong walang itsura o
ngalan.

Sa ilalim ng aking nabiyak na
Utak, nalusaw ang aking pisngi,
ngipin at panga.

Nalutong maigi ang aking leeg, balikat
at braso.

Napatunganga na lamang ako sa teleponong
nahulog at nabasag sa sahig.

Nais ko sanang umuwi dahil
masama ang aking pakiramdam.

Nararamdaman ko ang lamig ng hangin sa aking
laman loob.

Lumapit ang aking manedyer at may binulong
Sa isang natitira ko pang tainga

sabi niya –

“Napakabaho ng nasusunog na laman-loob mo!
Hindi ka namin kailangan,
lumayas ka na rito!”

At dito nahulog ang kalahati
ng aking dibdib, at sumambulat
sa sahig ang isang baga, aking puso,
at maliit na sakong may halong berdeng suka
at hamburger na kinain ko kanina.

Uuwi na ako samin.

Kailangan ko pang magpagaling.

Si Elias Ang Pinakamalakas

 Hunyo 12, 1988

Mahal kong Irene,

Kumusta na kayo ng mga bata? Pasensya na at alam kong matagal akong hindi nakasulat sa inyo. Mayo uno nang ako’y lumuwas ng Maynila lulan ang ating mga pangarap. Pagbaba ko ng trak ay nagmadali na akong maghanap ng mapapasukang trabaho. Pinayuhan ako ni kuyang na bumaba ng Novaliches at may mga bagong tayong pabrika raw dito. Sa totoo lang kahit anong trabaho tatanggapin ko basta pasasahurin ako. Hinanda ko na ang sarili ko sa pagiging boy, waiter, kartero o kahit kargador.

Kung aasa tayo sa tanim, taon-taon ay maghihigpit tayo ng sinturon sa paghihintay ng ani. Hindi na ako bumabata. Si tatang man ay hirap na rin magtrabaho sa bukid.  Halos anim na buwan tayong kapos na kapos kada taon. Mahahati na tayo sa gitna kakahigpit ng sinturon. Kaya sana’y hindi ka na galit sa akin dahil nagpumilit akong mag-Maynila.

Naglalakad ako noon sa kahabaan ng Novaliches nang mapansin kong may isang pulo ng kalalakihang naguumpukan sa tabing daan. Tila may hinihintay sila sa tapat ng puting tarangkahan. Pasado alas dose na ng tanghali noon kaya hindi na ako nakalayo sa paglalakad. Kumukulo na rin ang aking sikmura kaya naisip kong lumapit sa umpukang ito. Ewan ko ba, hindi ko naman sila kilala ngunit pakiramdam ko’y dapat lapitan ko sila. Bago ako lumapit, sinipat ko munang mabuti mga mukha nila… Baka kasi magulpi ako kung magkamali ako ng pagtatanungan. Mahirap humarap sa amo kung may sapak ako sa mukha! Sa nipis ng katawan kong ito, isang aperkat lang katapat ko kung sakali. Gusto ko sanang hanapin muna si kuyang pero sa Malabon pa siya nakatira. Nasa Novaliches ako, tanghaling tapat at yung kapeng tinimpla mo lang ang laman ng tiyan ko. Sigurado maglalakad-lakad pa ako at ipagtatanong ko pa kung saan siya nakatira sa Malabon. Hindi ko kabisado ang lugar kaya natakot rin akong maligaw at mas masama, maubos ang pinabaon mo saking isandaang piso. Puspusang pagtitipid ang ginagawa ko rito, huwag na huwag kayong magaalala ng mga bata.

Alam mo, maswerte talaga ako noong araw na iyon. Kaya pala naguumpukan sila sa tabing daan, sa harap ng puting tarangkahan, ay gusto nilang pumasok sa pabrika.  Tinanong ko ang isa kanila, ang ngalan niya’y Vergel Ledesma, kung tumatanggap pa ba ang inaaplayan nila. Sabi niya oo at kailangan daw ng mga bagong asemblista ng bentilador. Marami daw tinanggal na asemblista kaya marami ring posisyong bakante.

Laking tuwa ko! Mabuti na lang hindi mapaghanap ang naginterbyu sa akin. Halos magbuhol ang dila ko nang mag-ingles ang babaeng nagiinterbyu sa mga bagong aplikante. Hindi ko na nagawang maupo, binati ko kaagad ng good apternun mam! Mabuti na lang at tinuruan mo ako. Sinagot ko na lang ng yes mam ang lahat ng tanong sa akin. Yes mam! Yes mam! Pakiramdam ko ba’y napakahusay ko sa interbyu dahil napangiti ang babae sa likod ng malaking mesa. Tinanong ko yung sumunod sa akin kung ano ba yung tinanong sa ingles. Hindi rin daw niya sigurado pero nginitian din daw siya ng nagiinterbyung magandang ale. Nainlab pa yata ang tuod, sabi ko hoy pare, sosyal yan. Tsinelas lang tayo, nakatakong si madam. Baka ituktok sa ulo mo yung takong! Si Vergel Ledesma yun, sinlaki ng kapre pero medyo mabagal magisip. Napansin ko parang laging nagngangalit yung panga niya kahit nakaupo lang naman kami sa opesina. Hindi ko na lang pinapansin at mabait naman kausap.

Mahirap ang trabaho dito sa Yamamoto Electric. Trabaho ko kasing magsalpak ng mga piyesa ng bentilador. Paulit-ulit ang pag-aasembol mula umaga hanggang hapon. Minsan nagkakamali ako at napapansin ng aming bantay dito, si Viktor.

Anak ng mayari si Viktor Yamamoto. Maliit na lalaki siyang may manipis na buhok at makapal na bigote. Lagi siyang nakabalat na sapatos at pulang polo na sadyang kapos sa haba, kaya ang mga butones sa gawing tiyan parang gustong kumawala. Mamula-mula ang balat at halatang sagana ang hapag-kainan parati. Tuwing may bisita sa pabrika, pinapalabas niya ang mga mamahaling wiski sa opesina niya. May opesina siya sa gawing likod ng pabrika, malapit sa imbakan ng mga rolyo ng tanso at ibang kagamitan. Guwardiyado ang opesina niya, hindi ka basta-basta makakalapit. Gusto ko lang minsan makapasok doon at may erkon doon. Sa totoo lang, hindi mukhang hapon si Viktor kahit anak siya ng isang Pilipina at matandang hapon. Ang hindi mapapagkaila ay kakaiba ang bigote niya. Pakiramdam ko talaga may sarili itong buhay. Para itong mataba at maitim na higad na natutulog sa taas ng nguso niya. Iniiwasan kong tumingin pag nagsasalita siya at naiisip ko parati na may matabang higad na nagcha-chacha sa nguso ni Viktor Yamamoto.

Bata pa lang ako, bungisngis na ako at madaling matawa. Baka humagikgik ako nang di sinasadya, sigurado madadagukan ako. Si Viktor, lagi siyang may dalang maigsing baston na gawa sa kamagong. Ipinagmamalaki niya sa amin na di na mabilang ang naupakan ng kanyang baston na binansagan niyang Hustisya. May sariling isip raw si Hustisya at kung may kabulastugang nagaganap sa pabrika, naaamoy ni Hustisya kung sino ang dapat maparusahan. May ilan pang bantay sa pabrika pero si Viktor ang pinakamataas ang katungkulan. Lahat sila sumusunod kay Viktor. Lahat sila takot na hindi sundin ang gusto ni Viktor. Namamasukan lang kami rito at si Viktor ang hari namin sa loob ng walo hanggang sampung oras, araw-araw. Bukambibig ni Viktor samin: kung ayaw niyo dito, umalis kayo! Hindi kami magugutom kahit magsabay-sabay pa kayong umalis lahat! Hindi naman sinungaling si Viktor. Hambog siya pero hindi kasinungalingan ang lumalabas sa kanyang bibig. Namamasukan lang kami sa pabrika kaya dapat masunurin kami. Natatakot akong mawalan ng trabaho. At totoong hindi sila magugutom kung aalis kami lahat at araw-araw, maraming naghihintay sa puting tarangkahan sa harap ng pabrika. Mga kalalakihang walang trabaho at nagdarasal na may bakante pa. Ilang beses na rin niya ako nabatukan. Kapag galit si Viktor may pumipitik-pitik sa kanyang kanang mata na parang may langaw na dumapo roon. Sabi ng mga kasama ko dahil adik daw, gusto laging bumabatak ng shabu. Sabi ko naman, hindi mo kailangang maging adik upang maging malupit. Kailangan mo lang maging malupit, yun lang. Ang kalupitan, parang bigoteng higad – hindi maipagkakaila.

Noong isang linggo’y may isang asemblistang sumagot kay Viktor dahil napaginitan siya nang walang dahilan. Mainit ang ulo ni Viktor noong araw na yun. Napansin ko sa sobrang asar niya nagngangalit rin ang panga niya. Parang si Vergel noong ininterbyu kami. Pawis na pawis siya na tila naglublob sa ilog at nakalimutang magtuyo ng katawan. Lumapit si Viktor sa asemblista at pinagmumura ito. Binatuk-batukan bago hinawakan ni Viktor si Hustisya ng dalawang kamay at sa isang igkas, hinulog niya sa upuan  ang asemblista. Mataas ang paa ng mga upuan sa pabrika kaya nahulog kaagad yung lalaki. Parang sinindihang dinamita ang asemblista pagbagsak niya sa lupa. P—–i– mo Viktor! Porke anak ka ng mayari! Asal hayop ka naman! Dalawang mesa lang ang layo ko sa mga pangyayari. Namilog mga mata niya matapos bumuhos sa kanyang mga labi ang hindi na kailanman mababawi.

Handa nang sumabog si Viktor. Pati batok at tenga niya nagpuno ng dugo. Para siyang hinog na kamatis na ginapangan ng mataba at maitim na higad sa harap. Walang nakakibo sa buong dibisyon. Pigil ang aming hininga. Parang may humawak ng granada, pinaglaruan ang aspile at aksidenteng nahila ito. Lahat kami tumigil at nanigas sa ere ang mga ginagawa. Muntik ko pang mabitawan ang aking desturnilyador. Pakiramdam ko ako yung asemblistang tinulak sa sahig. Agad na pinadampot ng ibang bantay ang asemblista sa mga guwardiya. Hindi ko siya kilalang lubusan, maliban sa kanyang palayaw na Ber. Pagbalik niya kinabukasan, nangingintab na parang ubing kaymito ang mukha niya. Hindi siya kumibo o tumingin sa amin. Tinuloy lang niya ang kanyang sinasalpak na mga piyesa ng bentilador. Sa gilid ng mata ko nakita kong nagpunas siya ng luha gamit ang isang lumang bimpo. Alam naming lahat na napahiya siya pero wala naman kami magawa. Alam rin namin na hindi ang pang-gugulpi ang ikinasasama ng loob ni Ber. Mahirap magulpi na hindi ka maaaring gumanti. Kung gumanti siya, dalawa lang ang pwede niyang hantungan: gutom dahil nasisante o kabaong. Mukha mang payaso sa karnabal si Viktor sa masikip na polong pula niya, hindi siya sinungaling at lalong hindi siya marunong bumali ng banta. Dito ko lang sa pabrika natutunan na depende rin sa tao ang kahahantungan ng pagkakaroon ng mga ugaling ito. Kapag nahaluan ng dugo at putik ang tubig, lalabo ito at hindi na pwedeng inumin. Ganoon din pala ang tao. Kapag nahaluan ng kakaibang pananaw sa kapwa, walang kwenta ang pagiging hindi sinungaling at pagiging seryoso sa pagtupad ng salita.

Mainit dito sa pabrika. May ilang bentilador sa mga pader ngunit sa sobrang hina parang wala ring dalang ginhawa sa amin. Pakiramdam ko yung panis na hangin noong alas otso ng umaga, siya pa ring sinisinghot ko pagdating ng alas singko ng hapon. May kuwota kami araw-araw. Pag hindi kami umabot sa kuwota, umaatikabong mura inaabot naming mga asemblista sa dibisyon. Napagsabihan na akong bobo, inutil at tamad. Pero hindi ako tamad, Irene. Mahirap lang talagang humabol minsan sa kuwota at kaunti lang kaming asemblista. May mga manggagawa ring nakatoka naman sa pagrerewind ng mga motor. May kaibigan ako sa seksyon ng pagrerewind, si Amado Reyes. Bansag namin sa kanya “Ka Amado” at siya raw pinakamatandang manggagawa sa edad na 54. Magisa na lang sa buhay ang matandang ito. Namatay daw sa tipus ang asawa niya noong ’75. Ang mga anak niya’y umalis na rin sa kanila at nagsipagasawa na. Mamamatay daw siya kalungkutan at pagkainip kaya naisip niyang magaplay ng trabaho bilang asemblista sa pabrika ng bentilador. Mahusay na asemblista si Ka Amado. Kilala siya sa kanilang lugar sa Tondo sa pagkukumpuni at ng telebisyon at ibang aplayans. Dati siyang teknisyan sa sa Iraq bago siya umuwi dahil sa isang aksidente sa planta. Tinamaan daw ng grinder ang kanang binti niya. Naikabit ulit yung humiwalay na kaputol ng binti pero hindi na siya pinayagang magtrabaho ulit sa planta. Hilig niyang kumpunihin yung mga pinapadalang higanteng telebisyon mula sa Saudi. Tuwing hapon, naguusap kami ni Ka Amado at iba pang mga manggagawa. Nalaman kong laking Hagonoy, Bulacan pala siya, bago tumira ng ilang taon sa Tondo. Ang tanging libangan na lang daw niya ngayon ay panonood ng telebisyon. Mahilig siyang manood ng Ang Bagong Kampeon at matagal na daw niyang gusto si Pilita Corrales. Tumatawa na lang kami at hindi namin lahat gusto yung kumakanta nang matinis ang boses habang lumiliyad-liyad. Mas gusto namin yung mga bagong sine. Inaaya nga ako ng mga kasama kong manood ng bagong palabas si Enteng daw at Dolphy. Sabi ko sa susunod na lang. Korni daw ako.

Gusto ko mang umuwi ay magiipon muna ako para mas maraming maipadala sa inyo ng mga bata. Kwentuhan mo naman ako tungkol sa mga bata. Gustong-gusto ko nang mayakap si Roman, Gregory at si bunso kong Roma. Konting tiis pa, pipilitin kong magpadala ng malaki-laki sa katapusan ng buwan na ito. Mauna man o hindi ang sulat ko, sana’y maayos kayong lahat diyan.

 

Nagmamahal,

Elias

 

Oktubre 25, 1988

 

Mahal kong asawa,

Natanggap ko ang iyong mga sulat at masaya akong nakapagpatuloy ng pagaaral ang mga bata at hindi na sinusumpong ng sakit ang itay at inay. Sana’y matingnan mo rin mabuti si tatang at tila nanghina na siya nang husto matapos niyang mahulog sa kalabaw. Mahigpit kong bilin sa kanya na huwag nang lalabas sa bukid kapag masyadong mainit ang araw. Matigas talaga ang ulo, sabi mo nga, ayaw magpapigil.

Ilang buwan pa lamang ako dito sa pabrika ay nagkaroon ng matinding pagbabago sa pamamalakad. Ang balita ay nanghina na ang nakatatandang Yamamoto at nilipat na ang lahat ng kapangyarihan kay Viktor, upang may mamahala sa pabrika kung sakaling biglang maratay ang kanyang ama. Noong una ay hindi naman namin halos naramdaman ang paglipat ng pamumuno. Dahan-dahan ang pagbabago, parang anay na ngumangatngat sa hamba ng pintuan. Bukod sa pagbabawas ng tauhan ay binaba rin ng halos sampung piso ang aming sahod kada araw. Kaya nahihirapan akong magpadala ng sapat na pera para sa mga bata. Nalaman kong may unyon pala sa pabrika na nangangailangan ng maayos na lider. Pinagbotohan nilang ako ang bagong lider ng unyon dahil daw sa ilang buwang pagtatrabaho ko, ako lang daw ang hindi pinagiinitan madalas ni Viktor. Noong una, ayaw kong tanggapin ang posisyon. Ano ba naman ang alam ko sa mga unyon. Ngunit may isang pangyayari na nagpabago sa aking desisyon na maging lider ng unyon ng mga manggagawa.

 

Si Ka Amado kasi, malabo na ang mga mata kaya madalas ay mabagal mag-ikot ng tanso sa mga motor na ginagawa niya. Ang motor ng bentilador ay gumagana dahil may tanso ito sa loob na iniikot nang ilang daang beses upang mabuo ang koil. Presiso ang bilang ng ikot sa koil, kung hindi, magniningas at liliyab ang bentilador. Yun ang trabaho ni Ka Amado. Matapos niyang magikot ng tanso, nilulubog naman niya ang natapos na motor sa barnis upang lalong tumibay at hindi madaling masunog. Dumarating sa dibisyon ko ang mga matitibay na motor na tuyo na ang barnis at handa nang isalpak sa iba’t ibang piyesa. Inisip kong mabuti ang dami ng dapat gawin upang makabuo ng isang motor dahil hindi ko lubos maisip kung bakit pinagdiskitahan ng mga tauhan ni Viktor si Ka Amado dahil mabagal daw ito. Wala ako nang mangyari ang pananalbahe sa matanda. Nakita ko na lamang na buhat-buhat siya ng mga asemblista sa kabilang dibisyon, duguan at humihiyaw sa sakit.

Sabi nila’y sumagot rin si Ka Amado kay Viktor at hindi na sila naghintay na dalhin pa sa opesina ang matanda. Minu-minuto nang pinagsisipa sa tadyang hanggang may nabasag nang mga buto. Basag-basag na halos lahat ng tadyang niya sa likod nang dalhin namin sa ospital. May bumukol din sa kanyang gulugod kung saan tumama si Hustisya ng maraming beses. Matapos dahasin, dinuraan daw ni Viktor si Ka Amado at iniwang naghihingalo sa sahig. Duguan ang mga braso ng matanda kung saan pilit niyang sinalag ang mga sapatos na balat – ni Viktor o mga tauhan niya, hindi ko alam. Putol-putol ang paghinga ng matanda habang naka-alalay ang ibang kasama. Noong una ay ayaw pang buksan ng mga guwardiya ang mga kandado sa harap ng pabrika. Mula umaga hanggang alas-sais ng gabi nakakandado kasi ang pintuan ng pabrika. Pati mga bintana ay kinadena na nila. Hindi ko rin alam kung bakit ganoon ang ipinagutos ni Viktor ngunit ilang buwan na kaming ganito ang kondisyon. Nilapitan ko ang isa sa mga guwardiyang bakas sa mata ang alinlangan. Kinwelyuhan ko siya. Sabi ko: kapag namatay si Ka Amado, alam ko kung sinu-sino may kasalanan. Isasama kita sa mga ikukulong! Hindi na nakapasok si Ka Amado matapos siyang banatan ng mga tauhan ng pabrika. Minsan isang linggo nag-aambag kaming magkakaibigan upang may maiabot kahit papaano sa matanda. Sabi sa ospital, isang taon ang kailangan ni Ka Amado upang bumalik sa dati ang kanyang mga tadyang. Dala na rin daw ng edad at kakulangan ng sustansya sa kinakain. Noong mga panahong iyon na nakikita kong hindi halos makahinga sa sakit ang matanda, may nagningas sa loob ng isipan ko. Ang unang pagningas ay dahan-dahang umagos mula sa isip ko patungo sa dibdib, hanggang sa nawala na ang lamig doon na dala ng takot. Akala ko noong una ay naging manhid na ako sa dami ng nakita kong pagmamalupit sa mga kapwa kong asemblista. Hindi pala.

 

Matapos ang pangyayari, lumapit sa akin ang pinakamatandang anak ni Ka Amado na si Jun. Payat na lalaki si Jun na may bilugang salamin. Mabait ngunit seryoso ang mga mata. Palangiti siyang kausap at mababatid mo ang kanyang mahabang karanasan sa buhay. Sa labas ng pabrika, alas-siyete ng gabi’y naisipan akong abangan ng anak ni Ka Amado. Isang lider unyon rin pala si Jun, sa pabrika naman ng tela sa Valenzuela. Nakiusap siya sa akin. Elias, ani niya, muntik nang mamatay si Ka Amado niyo. Kailangan ng hustisya para sa aking ama. Tahimik ako habang nagsasalita siya. Naisip ko kayo ng mga bata. Naisip ko rin ang mga kaibigan ko sa pabrika. At naisip ko rin na halos paubos na ang naitabi kong dapat ipapadala ko sa inyo sa katapusan ng buwan. Sa gitna ng aking guni-guni ay naisip ko rin si Ka Amado, na ngayon ay nakahiga na lamang sa kanyang munting dampa. Huwag kang mag-alala, sabi ni Jun. Hindi ka nagiisa. Marami tayo. Marami kami. Marami kayo. Ang hinihingi ko lamang, na kapag nagsampa na kami ng kaso ay papayag kang maging testigo. Sana ay magtestigo ka laban kay Viktor Yamamoto. Muling nabasag ang katahimikan ng aking isipan. Alam ko ang nais niya, hustisya. Ngunit paano naman ako? Paano naman ang ating pamilya? Gusto kong ibunghalit lahat ng sama ng loob ko kay Jun. Napalunok ako. Dahil alam ko ring hindi lang tungkol sakin, kay Jun o kay Ka Amado ang mga pangyayari. Tungkol ito sa malahayop na pagtrato sa tao. Kung sa pamilya man natin nangyari yun, baka hindi lang sampa ng kaso ang gawin ko. Gagalugarin ko malamang ang mundo upang humanap ng perpektong parusa para sa Viktor Yamamotong mananakit sa sinuman sa ating pamilya. Sa ilalim ng kalahating pilak na buwan, sinabi ko sa kanyang matalik na kaibigan ko si Ka Amado at kahit hindi ako sigurado sa mangyayari sa akin, sigurado naman akong dapat may hustisya para sa matandang inapi.

Ilang linggo ang lumipas ng walang insidente. Wala akong malay sa mga hakbang ni ginawa ni Jun o kung nangimi na ba ito at kinalimutan na lamang ang kanyang plano. Martes ng hapon, patapos na ang araw noon. Inililigpit ko na ang aking mga plais, turnilyo, disturnilyador at panggilit. Hawak ko pa ang isang panggilit nang may kumalabit sa aking balikat. Si Maximo, isang tauhan ni Viktor. Tiningnan ko siyang mabuti bago ako nagsalita. Tapos na po ang araw mang Maximo. Uuwi na ho ako. Natigilan siya bago nakahugot ng boses upang ipasa sa akin ang isang mensahe. Gusto raw akong makausap ni Viktor Yamamoto sa kanyang opesina.

Malaki ang opesina ni Viktor. Pinaupo ako sa isang puting supa malapit sa kanyang mesa. Kayraming mga kwadrong nakasabit sa likod ng mesa niya. Litrato ng asawa at ang kanyang anak na si Edward. Kamukhang kamukha ni Edward si Viktor. Bilugan ang katawan at tila kapos din ang polong suot. Sana’y hindi naipamana ni Viktor ang kalupitan niya. Tama na ang isang Viktor sa buong sangkatauhan. Biglang pumasok ang aking hinihintay at naupo sa likod ng kanyang mesa. Bahagya itong humilig at ipinatong ang mga siko sa mesa, bago niya ikinrus ang mga daliri ng dalawang kamay. Ilang minuto akong tiningnan ni Viktor, na tila sinusuring mabuti. Pakiramdam ko’y eksrey ang mga  mata niya na may hinahagilap pilit sa loob ng katawan ko. Ngunit hindi ako nagsalita. Ang amo ang unang nagsasalita. Sa loob ng pabrika, siya ang diyos na gumagawa ng batas para sa aming mga asemblista. Siya ang Haring Asemblista na hindi kayang magturnilyo ng kahit ano. Sumandal si Viktor at may kinuha sa ilalim ng lamesa. Si Hustisya. Nilapag niya ito sa harap. Tumayo ka, sabi niya. Maupo ka dito sa harap ko. Lumapit ako at naupo sa harap ni Viktor Yamamoto. Sa lapit na iyon, nadiskubre ko kung paano dahan-dahang inuubos ng mga luho ang kanyang katawan. Manilaw-nilaw na pala ang kanyang balat at mga mata. Parehong mata na niya ang pitik nang pitik. Madalas ang kanyang pagpunas ng pawis sa mukha. Ang kanyang mga mata’y parang mga dagang ikinulong sa loob ng maliit na hawla. Palipat lipat ng tingin.

Ikaw ang lider ng unyon, hindi ba? Elias Alejandro? Hindi ako kumibo. Sa halip na tingnan ang kakaibang kilos ng mukha ni Viktor ay itinugon ko ang aking atensyon kay Hustisya. Bakas pa rito ang kulay ng dugo. Natuyong dugo kaya ito ni Ka Amado? Inulit niya ang tanong at sa pagkakataong iyon, sumagot ako ng malinaw. Ako nga ho si Elias Alejandro, lider ng unyon ng Yamamoto. Biglang pinagulong ni Viktor si Hustisya papunta sa akin. Napatitig na lamang ako sa batutang may tuyong dugo ng tao. Napangiti ang aking kausap at sumandal nang mas malalim sa kanyang malambot na upuan. Nagpatuloy siya. Kakaiba ang kanyang boses – parang mas mataas, mas matinis sa karaniwan. May nakarating sa aking balita na idedemanda ako ni Jun, na siyang anak naman ng hudas na si Amado Reyes dahil daw sa sinapit ng kanyang ama.

Nalaman din daw niya na isa ako sa mga nakalistang pangunahing testigo sa kaso. Tiningnan kong mabuti sa mata si Viktor ngunit hindi ako sumagot. Wala namang tinatanong. Siya lang ang nagsasalita. Hindi ko rin hinipo o hinawakan si Hustisya. Hindi pa pala siya tapos. Nagbago ang ihip ng hangin. Elias, halos bulong niya nang inilapit niya ang mukha niya sa akin mula sa kabilang dulo ng mesa. Mainit at amoy chico ang hininga ng Haring Asemblista. Ako pagod na pagod na. Ako gusto ko lang tahimik dito sa pabrika. Si Amado, Jun at mga basurang iyan, hindi ka nila tutulungan. Mga papet mga yan. Mga unyon ng mga unggoy. Ako ang tagapagligtas dito. Nasa akin na ngayon ang pabrika at lahat ng pera. Pwede nga kitang patayin. Pero hindi ko gagawin iyon.

 

May kinuha ang mama sa kanyang drower. Isang sobreng kulay kaki. Inabot niya sa akin ang sobre. Buksan mo, sabi niya. Pinunit ko ang gilid ng kulay kaking sobre at hinila palabas ang laman. Tseke ang laman. Sa unang linya, nakasulat ang aking pangalan: Elias Alejandro. Sa ikalawang linya kung saan nakasaad ang halaga ng tseke, nakasulat ang mga numerong 5 0 0 0 0. Ano po ba ito? Para saan po ba ito? Tanong ko sa kanya. Ngunit alam ko na ang gusto niyang mangyari. Huwag ka namang ganyan Elias, tawa niya. Namumula na ang mga pisngi ng hari. Bukas ang kanang palad, tinuro niya ang tseke sa kamay ko. Singkwenta mil. Katumbas ng isang taong sahod at may bonus ka pa. Regalo ko sa iyo. Gusto kitang kunin na kanang kamay dito sa pabrika. Gagawin kitang pangalawang pinakaimportanteng tao dito sa Yamamoto Electric. Buwan-buwan ay sasahod ka ng limang libong piso. Sa iyo na ang tseke na yan. Sasahod ka ng limang libo sa katapusan.

Noong una ay parang nawalan ako ng boses at pandinig. Nakatingin ako sa tseke ngunit hindi ko ito nakikita. Naalala ko si tatang. Naalala ko rin ang mga bata at ikaw, aking asawa. Makakapagpatayo na tayo ng bahay kung sakali. Singkwenta mil – halagang sa panaginip lang natin naiisip. Parang sintaas ng langit, kayhirap isipin kung anong ginhawa ang dala ng ganoong kalaking pera. Ngunit sa huli, naisip ko rin ang nakangising mukha ni Viktor at ang bakas ng dugo sa balat ni Hustisya. Ang pagpitik ng mga mata ni Viktor. Ang pagngalit ng kanyang panga. Ang hininga niyang may alaala ng di-mabilang na bote ng wiski. At higit sa lahat, naalala ko kung paano niya iniwan para mamatay si Ka Amado sa dibisyon, matapos madurog ang mga tadyang nito. Hindi kaligtasan ang dala ni Viktor. Binibili niya ang kaluluwa ko. Ang katapatan ko bilang tao. Nakapa ko sa bulsa ng aking pantalon ang panggilit na kanina lang ay inililigpit ko. Nilabas ko ang panggilit at itinaas sa harap ni Viktor. Inaasahan kong kukunin niya si Hustisya para basagin na ang aking bungo. Ngunit hindi siya kumilos. Kumalat sa mukha niya ang gulat at pagkalito. Dahan-dahan kong tinulak ang buton ng panggilit. Dinaan ko ang talim nito sa gitna ng tseke at marahan kong tinulak pababa sa kahabaan ng papel. Parang lantang dahon na bumagsak sa sahig ang kalahati ng tseke.

Tumayo ako at nagpaalam kay Viktor. Hindi pa rin siya nagsasalita. Hindi na ako pumasok kinabukasan. Hinanap ko ang bahay ni Jun, kung saan nakatira si Ka Amado. Dahil malamang hindi na ako susweldo sa katapusan, nakiusap ako kung maaari ba akong makitira sa kanila panandalian habang naghahanap ng ibang mapapasukan. Inaya ako ni Jun sa pabrika ng tela at pinakilala sa ibang unyonista. Sa rekomendasyon ng unyon sa may-ari ng pabrika ay nabigyan ako ng trabaho matapos ang isang linggo. Ganoon rin ang pasahod nila dito sa Panamex Textile pero mas maluwag ang kalooban kong manilbihan dito. Nagpaalam ako kay Ber at sinabi niyang ang desisyon ko ay nakabuti sa lahat sa unyon ng Yamamoto. Siya na ang tatayong lider ng unyon. Patuloy ang kaso laban kay Viktor Yamamoto. Ang ilang guwardiyang nakakita sa nangyari, kasama ng isa sa tatlong bantay na pinakamalapit kay Viktor ay nagsabing tutulong rin sila sa pagtestigo. Umalis na sila at alam nilang mapanganib na manatili sa ganitong sitwasyon.

Mahal ko, alam kong nag-aalala ka na sa puntong ito, kaya gusto kitang yakapin mula dito sa Valenzuela. Gusto kitang hagkan at sabihin sayo na huwag kang matatakot para sa akin. Baon ko ang ating mga pangarap at ako’y patuloy na kumakayod para sa ating lahat. Balang araw ay makakauwi na ako diyan ng mas matagal. Nasa mabuti akong kalagayan. Hindi man isandaang porsyentong ligtas, malayo na ako sa Yamamoto. Hindi man tayo naging mayaman sa isang kispmata, napatunayan ko namang ang asawa mo’y hindi basta-basta nabibili.

 

Nagmamahal,

Elias

Komyun v. 1

Marius Carlos, Jr.

Galing ako sa mundong iisa ang tinig,
Tinig na may buong linaw at lakas.
Buong tapang na sumusulong, sa
kabundukan, nayon at siyudad.

Magulang ko’y si Ka Raldo at Ka Nena,
Kwento nila’y mahigit daang taong
Himagsikan. Hindi napagod
hindi tumigil, pwersang bayan
hindi nagpakitil.

Walang estadong mas malakas pa
sa masa nito. Walang masang mahina
sa kolektibong pagkilos nito. Tayo
ang pwersang lipunang pilit
dinadaganan ng batas at armas.

Ang asul na langit ay alay ng mapulang
nakaraan, nakaraang namunga na
at ating inani. Inani na ito ng aking
magulang, aking mga anak, at aking
mga apo sa tuhod.

Ang Komyun ng mga bansa’y nagkaisa,
bagama’t may kaaway pa ring nakahalo
sa kanila. Ang Komyun ang lumutas
sa pangunahing problema, ang pagkayas
sa lakas-panggawa para lamang sa tubo
ng uring marahas.

Ilang diktadurya na rin ang nakalipas,
bago namulat ang kalakhang gitna,
sa kanilang estadong proletaryado,
kaya sila’y naghimok at nangahas,
agawin ang pwersang produksyon
sa uring puro dahas.