Industriyang Barya

February 11, 2009

Moses of Shompole, Magadi

Ano ang ibig sabihin ng tunay na kahirapan?

ang pag-asa ng Pilipinas

ang pag-asa ng Pilipinas

Nabubuhay tayo sa epoch ng industriyang barya sa Pilipinas. Ayon sa gobyerno at sa mga mananaliksik (na pinondohan ng gobyerno) ang pag-asa ng bayan ay sa pagtatayo ng mga tindahan na maglalako ng chips, kornik, Coke, Pepsi at mga bagong labas na sigarilyo ng Fortune. Sa industriyang barya, lahat ng tao ay pantay-pantay. Ang piso ang pinakamahalagang unit ng exchange. Dahil sa pagsasama-sama ng piso, ang mga stick ng sigarilyo at mga bote ng gin ay maaring makamit. Ang paghahangad sa panandaliang sarap, sa pagpuksa sa sakit ng sikmura dala ng maghapong pagbabasura sa mga tambakan sa Payatas at sa mga kalsadang nakapaligid sa dambuhalang establisimientong komersyal, ay makakamit na sa ilang pirasong barya.

Ayon sa World Bank, ang kahirapan ay masusukat tulad ng pagsukat ng isang ruler sa haba ng isang pirasong kahoy. Ang world poverty line ay nakatali sa $1 or less. Kapag kumita na ang isang tao ng higit sa $1, ito ay hindi na mahirap. Sa Pilipinas, ang mga batang nagbubuhat ng mabibigat na kahoy pababa ng mga bundok para sa loggers ay kumikita ng 25 pesos kada baba. Ang bawat pagbaba sa bundok ay nangangailangan ng lubos na lakas ng katawan at pagtitiis sa ngawit at sakit ng pagbubuhat ng malalaking kahoy sa putikan. Madalas, ang mga bata ay walang mga tsinelas o mga sapatos. Ang reporter na gumawa ng report ukol dito ay nakibuhat din kunwari- at tumagal siguro siya ng ilang oras. Nakakahiya man isipin, ngunit ang mga kasama niyang mga batang nagpapalit-palit ng load sa pagbaba sa bundok ay hindi pa aabot sa siko niya ang tangkad. Ngunit siya ay nadulas pa sa putikan. Nadumihan pa tuloy ang magandang sapatos niya at nabasa pa ang kaniyang mamahaling camera. Sa bawat pagbaba ng mga bata, ang bayad ay 25 pesos. Siyempre, gusto ulit umakyat ng mga bata, para kumita pa ng kaunti. Minsan ay tatlo o apat na beses silang aakyat sa isang araw.

Ayon sa World Bank, ang mga batang ito ay kumikita na ng higit sa isang dolyar sa isang araw. Hindi sila mahirap, at dahil dito’y hindi na sila kasama sa datos na bubuo sa siyentipikong pagsusuri ng World Bank sa kalagayan ng kahirapan sa daigdig.

Sa industriyang barya, welcome na welcome ang mga tulad ng mga batang nagbubuhat ng mabibigat na kahoy mula sa tuktok ng bundok. Ang industriyan barya ay may kakayahang magbigay ng kendi, budget-sized na sabon, mami at pansit kanton, at kung anu-ano pang makabuluhang mga bagay para mapabuti ang buhay ng sangkatauhan. Ang magnipikasyon ng industriyang barya ay makikita sa tagli-tagling mga tindahan na makikita sa mga establisimientong tulad ng SM. Ang disenyo ng SM ay parang isang palengke- diretso lang ang lakad, at ilan-ilan lang ang kakananan, o kakaliwaan. Dahil dito ay maaaring manatili lamang ang malaking konsentrasyon ng tao sa baba. Hindi mo na kailangan pang gumawi sa taaas para makuha ang mga kailangan mo. Ang SM North, na katabi lamang ng Quezon City Science High Scool ay may National Book Store sa pinakabungad nito. Pagtawid mo ay makikita mo ang isang napakahabang espasyo na nagtitinda naman ng mga electronics. Isa rin itong paraan ng paghihiwalay ng mga uri at pagbubuo ng mga espasyong para lamang sa mga potensyal na may pambayad. Kung wala, sa loob ka na lang, at tumingin ka na lamang ng mumurahing mga gamit sa National o kaya, bumili ka na lang ng ice cream o kaya tinapay.

Ayon sa isang artikulo sa University of the Philippines Forum, isang peryodikong regular na lumalabas sa unibersidad, ang SM daw ay isang egalitarian na espasyo kung saan ang mga mayayaman, manggagawa, pisante at maging ang lumpen ay maaaring mamili na tila walang problema buhay. Ani pa nga ng nagsulat, nawawala ang mayaman at mahirap kapag nasa loob ka ng isang SM mall, hindi katulad ng kapag ikaw ay nasa Serendra. Masayang ini-report ng nagsulat sa artikulo na magaling ang may-ari ng Jollibee dahil lahat daw ng klase ng consumer, mula consumer A, B, C at D ay kumakain sa Jollibee. Tila nabulag ang nagsulat sa maliliwanag na ilaw sa loob ng SM. Siguro ay kailangan niya munang tumigil sa pagwi-window shopping.

5 Responses to “Industriyang Barya”

  1. E.P said

    maganda ring tingnan ang nakikitang pangangailangan mag-delienate ng tao at ng sm mismo. Kaya ganun na lamang ang sikap ni sy na itayo ang the block at ang sky garden. kung titingnan pa ang mga establisyemento ng orihinal na sm city at the block, makikita ang malaking agwat sa target market ng dalawa. sa orihinal nakapaloob ang department store, na masasabing primaryang inaasinta sa upper middle class pababa, swertihan na lang siguro ang makabenta ng suit at dress. samantalang mas espesyalisado naman ang mga store sa the block, mga brand at serbisyong maaring di alam ng pang-gitnang uri, pababa, na mayroon pala nun? Ang tanung, bakit kailangan ngang magkaroon ng mas elite na parte?

    marahil reaksyon ito ng upper class sa penoma ng paghahalo ng uri sa mall. sa lumang sm, halo ang mahirap at mayaman. masasabing, relatibong mas kumportable ang lahat. ang istruktura at laman naman ng the block ay antagonizing sa walang pera. kung window shopping nama’y nakakatakot din, at kung makahanap nga ng tapang pumasok sa loob ay bubulagta sa’yo ang ‘socialized’ service ng mga staff na para bang mas yayaman kung mayaman ang bibili (sa pag-asa sigurong mabigyan ng tip. ito tip sa kanila: wag nyo bastusin ka-uri nyo) sa huli, ang tanging pwedeng gawin ng walang pera sa the block ay umupo sa sofa, o di kaya nama’y manigarilyo na lamang sa labas.

    hirey pala sa wordpress thingie mo! sana mailipat mo rin ang mga entries mo dun sa luma.

  2. culturalcritic said

    Susubukan kong mailipat ang piling mga naisulat ko dun, medyo madami kasi.

    Kung tutuusin ay “futile” ang pag-target sa mga upper class dahil ayaw ng karamihan ng mga ito ang disenyo ng SM. Sabi nga ng isang kakilala ko dati, “Nakakapagod maglakad sa SM Mega Mall”. Bukod sa pantasya ng pagkakapantay-pantay, marahil ang mga mamahaling mga tindahan ay nandito upang mang-akit ng mga mas mababang uri- makikita mo sa mga maliliwanag na bintana ang mga commodity, at pwede mong hipuin at tingnan hanggang sa gusto mo. Ang pangangailangan ay nabubuo- kaya naman ang pobreng nagoyo ay mag-iipon ng pera, para maibuhos ang ipon sa isa o dalawang commodity na kung titingnan naman ay napakalimited ng use value at malamang ay “passe” na sa loob ng ilang buwan (o sa case ng mga computer, sa loob lamang ng ilang linggo o minsan pa nga ay araw).

  3. E.P said

    kung megamall ang pag-uusapan, sang-ayon nga ako na nakakapagod, pero palagay ko’y nakita ito’t nasolusyunan sa disenyo ng the block na paikot, bukod pa syempre sa malawak ang pwedeng lakaran dito. pero totoo nga, masasabing matagumpay nga ang paggawa ng ‘need.’ siguro’y mas fetisismo ang maitatawag dito.

  4. E.P said

    or pwede ring ayaw nilang mapahalo sa mahihirap. halimbawa, sa usapin ng pananamit, ang mga sinusuot ng mayayaman ay madali (kahit paano’y) nang nagagaya ng mahihirap (salamat divisoria). baka isa itong paraan para mapagtibay sa kanilang sarili na angat nga sila at hindi makakasabay ang iba. kaya siguro may mga puntahang pang-mayaman lang talaga. halimbawa’y serendra o kaya bonifacio heist street, na kahit palarin (o magkamali kaya?) man ang mahirap na makapasok ay maasinta sya kaagad dahil na rin sa malinaw na delyinasyong pisikal.

    pasensya na sa kulet, nakakawili kasi pag-isipan itong iprinesenta mo. matagal-tagal na rin kasi nang naisulat ang sa labas at loob ng mall kong sawi, marami nang nagbago, nadagdag, at nabawas.

  5. culturalcritic said

    minsan nga ay pag-aaralan ko yung proximity ng mga mall sa mga subdivision, paaralan, atbp. interisante siguro ang magiging resulta ng pagsusuri hano?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: