Kahirapan: Ang Buhay ng mga Intelektwal sa Pilipinas

February 13, 2009

Antonio Gramsci

Antonio Gramsci

Hindi madali ang magbasa. Siguro ito na ang pinakaproblema ng mga taong tulad ko na parang mga asong kumakampay sa karagatang walang humpay ang paghampas. Mula’t sapul, minahal ko ang disiplina na pinilit akong mag-isip at pinahirapan ako ng husto. Naalala ko noon noong una kong naging propesor ang aking mentor sa department. Linggo linggo ay may gastos- mga photocopy ng mga mahahalagang libro sa literatura. Naranasan ko nang ipagpalit ang libro sa pagkain. Naranasan ko nang magsulat na manhid ang sikmura dahil wala nang natirang pera para sa mga susunod na araw. At naranasan ko na rin mangliit ang tingin sa sarili dahil sa lawak at lalim ng mga kaisipan na kailangan kong pag-aralan.

Kung tutuusin, maliit na problema lamang ang hinaharap ko, na marahil ay resulta na rin ng aking kinabibilangang uri. Peti-burgesyang intelektwal- na sa sulat ni Norman Wilwayco ay “galing ng Maynila, puro libro naman ang alam”. Marahil ay “guilty” ako sa pagmamahal sa pagbabasa. Pero dahil dito ay nabuo ang aking paninindigan na nagbago sa pananaw ko sa mundo at pakikitungo ko sa mga tao. Darating ang araw na magkakaroon ang ng ambag sa labas ng field ng kritisismo, teorya at literature. Sa ngayon ay dito ko muna itutuon ang aking pansin. Kasi, sabi nga ni lolo Gramsci, “ang pinakamalaking problema ng Marxismo sa modernong panahon ay ang kawalan ng kulturang sarili. Napakabagal ng pagyabong ng modernong Marxistang kultura.” Noon pa ito sinulat ni lolo Gramsci- abo na siya ngayon. O marahil ang mga abo ay nasipsip na ng lupa. Si lolo Gramsci ay bahagi na ng bansang kanyang ipinaglaban hanggang sa huli.

Sa Pilipinas, ang buhay ng mga intelektwal, tulad ng mga mahuhusay na mga fictionist, journalist at mga political commentator, lalung-lalo na ang mga collectivized na mga aktibista ay napakahirap. Pagod, puyat, gutom at kamatayan ang kinakaharap ng mga ito. Ang mga matatapang at gusto nang i-angat ang pakikipaglaban sa armed struggle ay tiyak na mahirap ang kakaharapin kapag nasa loob na ng mga teritoryo kung saan mayroong digmaan. Hindi madali ang digmaan sa ngalan ng kalayaan at sa ngalan ng mga taong mahigit tatlong daang taon nang hindi pa nararanasan na pamunuan ang sarili at sabihing, “dito ko nais pumunta, ayaw ko diyan”.

Ang kalagayan ng mga manunulat, critic at aktibistang tulad nila Edel Garcellano, Monico Atienza, Domingo de Guzman at marami pang mga intelektwal ang patunay na ang Pilipinas ay ayaw sa mga intelektwal. Nakakainis mang isipin pero galit ang Pilipinas, lalung-lalo na ang gobyerno sa mga taong mahilig mag-isip, magpuna at lumikha. Ang gusto lang kasi madalas gawin ng mga tao ay kumain at umebak, para makakain at umebak kinabukasan. Isa tayong bayan na preoccupied sa paggaya sa mga luho na nakikita natin sa telebisyon. At sa interim, ang mga taong maraming nais sabihin upan magsimula na ang proseso ng pagbabago at transpormasyon ay nanatiling mahirap ang buhay. Ang iba, para lamang hindi tuluyang masayang ang mayroon silang mga talento at kaisipan ay umaalis na lamang ng bayan. Ngunit tulad ng ating mga overseas contract workers, lungkot ang madalas nilang baon sa kanilang paglipad sa ibang bansa.

Makikita natin ito sa mga gawa nila; ang bayan ay nagiging isang multong naaalala nila. Isang kapatid, ina, asawa na naiisip parati ang kalagayan. Dahil kahit gaano pa kabulok ang mga sistemang pampolitikal at pang-ekonomiya sa bansa ay bayan pa rin ito. At walang mas nagmamahal sa bayan kaysa sa mga intelektwal. Kung ang ibang tao ay walang alam gawin kundi sabihing gusto na nilang lumayas sa Pilipinas, ang mga intelektwal ay mas gustong manatili para may magbago. Pero kailangang kumain. Kailangang magpa-aral ng mga anak. Kailangang bumili ng mga damit ng mga bata, magbayad ng kuryente, magbayad ng tubig, ng renta sa bahay. Kailangan bayaran ang ospital matapos manganak ang asawa. Kailangang bumili ng gamot para sa bunsong anak na may sakit at nagtatae.

Kailangang maging wage earner kahit alam ng mga intelektwal ang puno’t bunga ng lumang wage system na hanggang ngayon ay ibinabandera pa rin ng mga industriyal na bansa.

Kailangan….

Kailangang makita ng mga Pilipino ang kahalagahan ng mga intelektwal sa Pilipinas. Hindi sila mga personidad lamang na nakikita sa TV pag inimbitahan nila Jessica Soho. Sila, ayon kay Edward Said, ang kosensya at bantay ng lipunan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: