Mga Kontradiksyon sa Kultura ng Edukasyon Para sa Sarili

February 15, 2009

Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malaman at intindihin sa mundo... yan ang totoo

Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malaman at intindihin sa mundo... yan ang totoo

Naaalala ko pa noon ang mga leksyon sa amin noong elementarya ako. Si Tandang Sora ang nagsilbing doktor para sa mga Katipunero. Si Josefa Llanes Escoda ang founder ng Girl Scouts. Si Sisa ang nabaliw na babae sa isang nobela ni Gat Jose Rizal. Halu-halong mga trivia, na madalas ay pinapakabisado pa sa aming mga estudyante na parang bibitayin kami sa Bagumbayan tuwing quarter exam kapag hindi namin ito nakabisado. Noong tumanda ako ng kaunti, ang diskurso ay nanatiling pareho, homogenous at hindi pa rin interisante para sa akin. Nadagdagan lang ng konting classical economics ang sabjek para sa kasaysayan.

Kung magbabalik-tanaw ako sa lahat ng inadequacies ng aking pag-aaral mula pa noong ako’y pumasok sa skwela nung limang taon ako, baka hindi na ako matapos. Sigurado naman ako na bawat isa satin naging problema rin ito. Marahil ay dahil na rin sa babasahin kaya tayo nagkakaproblema. Tsaka ko na tatalakayin ang problema ng mga textbook sa bansa- minsan ay susuri tayo ng isang textbook na pinamumudmod sa libu-libong mga kawawang estudyante. Pagdarasal ko na rin na mangamatay na ang mga nagsusulat ng mga walang kwentang textbook na ito- dahil sinisira nyo ang kinabukasan ng mga batang nagbabasa sa inyo.

Ano nga ba ang binabasa ng mga Pilipino ngayon? Syempre hindi mawawala diyan ang mga tabloid, dyaryo, Harry Potter at kung anu-ano pang mga pinapasikat ng National Book Store (dinagdagan pa ngayon ng Twilight- ayan tuloy, yung mga mas bata pa sakin gusto nang maging bampira). Magtataka ka rin naman hano, na ang libro ng founder ng Scientology ay makikita sa National Book Store pero ni isang kopya ng Philippine Society & Revolution ni Amado Guerrero, wala. Kasalanan ba ng tao na hindi ito nakakapagbasa? Oo at hindi. Syempre hindi natin palalagpasin ang kasalanan ng mga bookseller mismo. Kung bakit naman kasi may fetish ang mga ito sa mga best seller kahit na halos inaamag na sa mga estante nito ang mga bestseller kunwari ng New York Times. Ano ba kasi ang maganda sa listahan ng New York Times? Bakit ba ito sinasamba ng mga bookseller at maging mga awtor ng mga nobela?

Ayan tuloy, akala ng maraming tao na ang libro ay produkto lang- parang sanitary napkin o isang supot ng condom.

Aba syempre, ang tingin ng mga bookseller sa mga libro mga produkto o commodity. Kalakal kumbaga, parang bagong hango na bagoong o patis. Konswelo de bobo na lang na may mga charity kunwari ang mga ito para sa mga “mahihirap na bata” para sila ay “mapalapit sa pagbabasa”. Kung gusto talaga ng mga bookseller na magbasa ang mga bata, sa dami ng pera na pumapasok sa kanila araw-araw ay baka kalahati na ng bansa ay marunong nang bumasa. Mapapansin din ito sa mga broadcasting network kapag kailangan silang magpapogi (o magmaganda, bahala na kayo sa gender ng mga broadcasting network. Pero ang tanong, tao nga ba sila o bato? O tae?). Si Mel Tiangco noon, naalala ko na puring puri niya ang ginawang outreach program ng GMA Kapuso Foundation. Hinahamon ko na ang susunod nilang mga proyekto ay hindi nila gawin sa ngalan ng kumpanya. At dapat, ang lahat ng mga pencil case at bag, walang tatak ng GMA. Anak ng tipaklong naman oo, pati ba naman ang pagkakawanggawa, ginagawa pa ring oportunidad para mag-advertise at kumita pa ng limpak-limpak na pera. Hindi pa ba sila masaya sa milyones at sa tax breaks for the rich? Isa pang tanong- bakit ang baba ng pasahod niyo sa mga empleyado niyo, kayong mga broadcasting network? Bakit kailangan pang rumaket sa loob para lang madagdagan ang buwanang sahod?

I digress. Pero mahalaga rin kasi yan. Kumbaga kay sa ginagawa ni Pierre Bourdieu, inaaral natin ang genesis ng mga industriyang kultural. Kaya lang, madalas ang makikita natin ang mga maliliit na galamay lamang ng buwakaw na halimaw, hindi ang buong katawan. Tayo ang mga gadfly. Sila ang mga buwayang malalansa, at laging mata lamang ang kita sa maitim na tubig. Nagkukubli, pero kapag nanginain, ay sos!

Kasalanan ng Pilipino na hindi siya nagbabasa. Alam kong mahirap ang buhay- pero kasama ako sa hirap na iyon. Hindi madali ang buhay sa Pilipinas (unless of course, ikaw ang Pechay na gustong magpatanim sa senado). Pero kailangang mabago ang kulturang nananaig na ito. Kailangan na natin makita ang mga bagay-bagay gamit ang katwiran. Ang katwirang makabayan ay hindi mahirap intindihin. Pero para sa marami na masyado nang binigo ng gobyerno, mahirap itong tanggapin, paniwalaan at isabuhay ng tuluyan. Malungkot mang isipin, pero hindi mangyayari ang transpormasyon kung iilang libong tao lamang ang kikilos. Kailangan ang masa ay tunay na maging masa. Sabi nga ng isang manunulat dati, “Kailangan ng masa, para may umalsa.” (O kaya, kung walang tiyaga, walang nilagang baboy!)

Alam kong alam niyong hindi lang pagbabasa ang problema sa bayan. Marami tayong problema- pero ang pinaka-maalam ako ay sa edukasyon at ang kahalagahan nito. Disipulo ako ni Paulo Freire. Hindi ko gusto ang “banking education” o ang pagtingin ng mga guro na walang laman ang ulo ng mga estudyante kaya kailangan munang magdeposito dito. Sabi nga ni Rizal, ginagawa niyong loro o parrot ang mga nag-aaral. Imbes na kakayahang magisip at lumikha, takot ang itinatanim niyo. Ang bunga tuloy ay kadalasan kamangmangan. At ang masaklap dito, namamana ang kamangmangan.

Kung may mga nagbabasa sa Pilipinas pero retrograde pa rin ang pag-iisip ng mga tao, ano kaya ang problema? Simple lang naman yan- mali ang binabasa. Alam kong mababato ako ng kamatis ng mga fans ni Edward Cullen (o kaya babatuhin ako ng umuusok na baso ng Starbucks na kape), pero hindi Twilight ang kailanga ng mga tao. Hindi rin 60 Ways to Cook Pork o mas malupet The Purpose Driven Life. Kung bakit ang daming mga taong pinangreregalo pa sa ibang tao ang The Purpose Driven Life. Napakasadista nila- hindi pa sila nakuntento na sila lang ang nalugi, gusto pa nila pati ang ibang tao. Napakasadista niyo!

Ngayon pa lang ay naririnig ko na ang mga sagot ng karamihan. Kung ilang daang beses ko na ito narinig maging sa mga miyembro ng sarili kong pamilya: e kasi kailangan kumain ng tao e. Madalas ang katagang ito ay sasabihin na parang nasagot na lahat ng mga kontradiksyon, at wala nang usapan pa. Isa lang ang sagot ko diyan: tama, kailangan na nating kumilos dahil hindi na kumakain ang mga tao. Sa tingin ba ng marami, ang pagiging liberal at pagbabasa ng Harry Potter o Purpose Driven Life ay pagsuporta sa buhay? Sa tingin ba nila, ang pagbili ng magagarang kotse, ng mga lotion at makeup na tatak Mac ay paggalang sa mga sagradong batas ng buhay ng tao? Kung ito ang paniniwalaan nating lahat, ay sabay-sabay tayong magugutom at mabubura sa mundong ito. Hindi ang pagbili ng mga bagay-bagay ang sagot sa kahirapan- kundi ang panglipunang seguridad. Ang mga commodity ay sadyang ginawa para pagnasahan ng mga tao. Pero sa huli, mauubos din ang mga commodity na yan- at matitira na lamang ang realidad na ang buhay ng taong walang pinaniniwalaan ay isang buhay na walang saysay. Bare life sabi nga ni Giogio Agamben. Dahil sa karakteristikong pagkakabuo ng mga commodity, sadyang nagiging masalimuot ang buhay ng tao. Ang pangangailangan o need ay hindi na lohikal- dahil araw-araw ay minamanipula ito para sa makasariling interes. At kahit madalas ay hindi naman na alam ng mga gumagawa mismo ng mga commodity na ito, binubura ng mga commodity na ito ang koneksyon ng mga tao sa isa’t isa. Dahil maniwala kayo at sa hindi, ang bawat tao sa mundo ay nakatagli sa ibang tao dahil sa kanyang labour o lakas-panggawa. Sa Pilipinas, malaki na marahil ang ating koneksyon sa mga mangagawa ng China dahil sa paghihikahos nila para makapaghatid ng milyun-milyong piso sa mga negosyante dito.

Malawak ang problema ng double dehistoricization at depoliticization. Kaya ngayon pa lamang, magbuhos na tayo ng lakas-panggawa o labour upang pag-aralan ang lipunan matagal na nating hindi pinapansin.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: