Rebyu: Mondomanila ni Norman Wilwayco

February 15, 2009

Monodmanila ni Norman Wilwayco

Mondomanila ni Norman Wilwayco

Ano ang halaga ng isang Palanca award? Para sa isang manunulat, marahil isa itong senyas na may sinasabi na siya bilang manunulat, o higit pa roon, bilang manlilikha. Ang paglikha ang pinakamahirap na trabaho ng isang manunulat. Hindi lang dugo at pawis ang ginugugol ng isang manunulat sa isang obra- ngunit oras. Ang oras, sa buhay ng isang ordinaryong manunulat na hindi naman nabiyayaan ng pamilyang singyaman ni Tony Boy Cojuangco man lamang, ay kailangang magsakripisyo ng oras, katas ng utak at walang hanggang pagsakit ng ulo. Kaya ang mga manunulat, madalas may mga tinatawag na “bisyo”. Si Pepe Smith, bata pa lang, kahit may interbyu hindi mabitawan ang sigarilyo. Si Nick Joaquin naman, beer ang kanyang “poison of choice”.

Ang kwentistang si Norman Wilwayco

Ang kwentistang si Norman Wilwayco

I hope you like jamming…

Pero hindi naman natin pag-uusapan ang mga ganyang klaseng “bisyo”, kasi kanya-kanya tayong trip. Yan ang una kong napansin sa nobela ni Norman Wilwayco na Mondomanila (2002). Ang lahat ng tao, may trip. Kaya, sa tradisyong sinimulan ng natatanging nobelang Mondomanila, putangina, pagbigyan ang kati pag kailangan.

Bukod sa trip, may mas mahalagang naiambag ang nobela na ito sa literaturang Pilipino na sinulat sa Pilipino. Mahirap hanapan ng tumpak na termino ang naging achievement ni Wilwayco sa Mondomanila. Bilang kritik na ang training ay sa literatura talaga, alam kong ang obra ni Wilwayco ay hindi papansinin na mga tao sa tore. Hindi ko na babanggitin ang pangalan nila. Pero ang alam ko, ang mga nobelistang tulad nila Butch Dalisay, mahirap pasulatin sa paraan ni Wilwayco. Malamang sa hindi, amateur ang tingin pa rin ng ilang matatanda sa mga gawang tulad na ito.

Bagamat ang mga bantay ng tore ay hindi malamang nasisiyahan ng lubusan sa estetika ng Mondomanila, panahon na sigurong basahin natin ang text sa ibang paraan. Tutal, patay naman na sila John Ransom, Cleanth Brooks, Matthew Arnold, T.S. Elliot atbp (patay na ba si Haroold Bloom?). Given, patay na rin naman sila Marx. Pero hindi yun ang punto ko.

Ano kaya ang tumpak na termino para sa isang text na tulad ng Mondomanila? Bilang Catholic-by-document, nasisiyahan akong sabihin na walang galang ang nobelang Mondomanila. Parang si Nietzsche, bastos na lang siya habambuhay. Pero ang kabastusan ni Nietzsche, nagbigay ng pwersa sa napakaraming mga manunulat para malampasan ang mga natatanging kahinaan ng kanilang mga panahon. Bukod sa relihiyon, na napakaliit na bagay lang naman, nalampasan ng Mondomanila ang mga harang na nagbibigkis sa ordinaryong mamamayan.

Una, binuwag ng Mondomanila ang ilusyon na ang mga bumubuo sa korporasyon ay mga enlightened na indibidwal na bumubulwak at sumasabog sa kagandahang loob at insipirasyon para sa mamamayang Pilipino. Dahil sa mga tauhang tulad ni Engr. Dali, pinakita ng Mondomanila ang kawalanghiyaan ng mga nasa pwestong pinapatakbo ng higit sa anupaman, pera. Habambuhay na tatatak sa aking isipan kung paano magkunwari ang mga bossing ng Great Insurance na si Tony de Guzman ang tanging may sala. Kuyog ng kapangyarihan- ginagawa dahil gusto, ginagawa kasi kayang gawin. Sa huli, isa lang ang masasabi ni Tony sa kanyang paglisan sa Great Insurance- mga hindot kayo.

(Bakit may blurb si Chairman Mao Zedong dito?)

Nabasa ko sa isang bahagi ng nobela na amoral daw ang nobelang Mondomanila. Maaaring ganito ang labas niya sa ilan, pero ang nakita ko ay iba ng kaunti. Palitan nating ang terminong amoral ng ethical. Ang ethics, na pag-aarala sa Pilosopiya ng pagiging tao at ang mga posibleng kahulugan at implikasyon ng kanyang mga ginagawa ay napakahalaga sa Mondomanila. Isang malinaw na halimbawa nito ay ang isang sitwasyon kung saan nalagay sa alanganin si Tony noong grade 6 siya. Naging magkaibigan na si Tony at ang magandang si Klara; nais ni Klara na tanggapin ni Tony ang ibibigay na pera ng mommy ni Klara. Ang dahilan ni Klara, ayaw daw nyang magkaroon ng boyfriend na magnanakaw. Ano ang kunukwestyon ng sitwasyon na ito?

Malinaw na tumahimik panandalian si Tony de Guzman at pumasok ang etika sa estetika. Ang marahang nagsalita matapos ng pag-aalok ng pera ay si Wilwayco na mismo. Ang tanong ay, sa tingin mo ba Klara, makakatulong ang ganyan sa mga katulad namin? Ang konsepto ng limos at pagpapalimos bilang mga aktibidades ng charity o pagkakawanggawa ay nahagip ng isang birada. Para maintindihan ang posibleng kahulugan ng nito, pwede nating gamitin ang konsepto ng alter-ideology.

Ang alter-ideology ay hindi nalalayo sa konsepto ng counter-ideology. Kaya lang, mas maliit ang pwedeng masakop ng alter-ideology dahil nakatingin ito sa mga indibidwal na mga subject ng lipunan. Tulad ng mga inversions ni Jurgen Habermas, ang lohika ng sinabi ni Tony de Guzman sa kwento ay ganito: hindi mabuti para sa mga naghihirap ang pagpapalimos. Ano ngayon ang lohikal na pupuntahan ng ganito? Hindi kailangan ng limos o anumang kalokohang kawanggawa ng mga pulitiko. Ang kailangan, pagkakataon sa edukasyon, at pakakataon na makapaghanapbuhay at mamuhay ng matiwasay. Hindi kaburgisan ang ganitong pangarap. Ang tunay na mga burgis ay hindi na sumasagi sa isip nila ang mga ganitong problema; nakahain na kasi ang pera. Iba ang problema ng burgesya- madalas umiinog ito sa kawalan ng saysay ng kanilang buhay. At madalas, ang mga tunay na burgis ay walang kakayahan na mag-isip ng solusyon sa mga problema nila sa buhay- dahil ang sagot sa lahat ng problema, sa kaisipan man o sa kaluluwa, ay pera. Hindi labour o pakikibaka para sa mundong salat sa hustisya- dahil ang labour at ang hustisya ang siyang bubuwag sa mahigpit na hawak ng uring ito sa lipunang Pilipino.

Matapos ipakita ang iba’t ibang dimensyon ng mga uri ng tao sa lipunan, may nakakatawang sidetrip sa Mondomanila. Nangyari ito nang kumuha ng mga putatsing ang tropa ni Tony. Matapos mag-marijuana (magchongki) ay swabe ang kasunod na bakbakan kasama ang mga putatsing (“Nakita kong inaararo mo yung isa sa kusina kanina a, ang dumi nun!”). Pero hindi ito ang pinakanakakatawa. Bago pa man din ang aksyon ay may nagtanong “Pare sino ang pinakagagong tao sa mundo?” Ang sagot: “Si Ninoy. Kasi sabi niya ‘the Filipino is worth dying for.’ ”

Hindi ko na babanggitin kung ano ang sinagot ng isang putatsing sa tanong na ito nang mabanggit ulit ito; pero tumatak sa isipan ko ang sinabi ng isang tauhan na ito. Gago si Ninoy kasi sinabi niya na dapat pagbuwisan ng buhay ang mga Pilipino. Sa isang banda, tama naman ang tauhan na ito- kasi, sa dami ng mga Pilipino walang pakialam, at mas gusto pang mag-alala kung maganda sila o macho, ay dapat lang na hayaan nang mamatay ang mga tao na ito. Bakit tayo magbubuwis ng buhay sa mga taong walang pakialam? Naalala ko tuloy ang isang kanta mula sa partidong progresibo:

Ang pakikibaka ay pagpapakasakit,

Ang kamatayan, ay pangkaraniwan.

Nagkakaiba lamang ang kahulugan,

Kung sino ang pinakikipaglaban!

Ang mamatay para sa imperyalismong Kano,

Sing-gaan ng balahibo ang katimbang.

Ang mamatay ng para sa bayan

Simbigat ng Sierra Madre ang kabuluhan.

Kung ganito kasalimuot ang konsepto ng pagkamatay para sa pinaniniwalaan, anong klase bang mga tao ang laging sinasabi na “I don’t like dirty politics, it’s not for me?” Kung buhay lamang si Tony de Guzman, malamang sasabihin niya, “Mga hindot kayo- napakapolitikal nyo na.”

Ang ikalawang binuwag ni Wilwayco sa Mondomanila ay ang paniniwalang madumi at tanga ang mga mahihirap, ang masa. Oo, ang masa na pilit na binobola ng mga pulitiko. Ang mga masa na nagiging mga star ng mga komersyal sa TV lalo na sa mga komersyal nila Mar Roxas, Loren Legarda, Manny Villar at kung sino pang mga pulitikong nais tumakbo sa pinakamataas na posisyong sa Philippines Corporation. Ang masa na nakakalimutan kaagad kapag nagsipanalo na ang mga unggoy sa kongreso at sa Malacañang. Ang mga masa na patuloy na ipinaglalaban ang mga basic na karapatan, kahit na sa ibang bansa, matagal na panahon nang naibigay ang mga serbisyong tulad ng eduksayon, tubig at kuryente sa kalakahang populasyon. # 96 ang Pilipinas sa most “unequal” countries in the world. Habang nangunguna ang Japan at iba pang bansa na mababang ang social inequality, nasa lower half tayo, kasama ang Salvador at iba pang mga Latin American na mga bansang matataas ang konsentrasyon ng lupa sa iilang mga kamay. At dito rin natin itinatali ang ating pag-asa; sapagkat sa mga bansang ito pinakamalakas ang pwersa ng pandaigdigang rebolusyon para sa sosyalismo.

Sa mga katauhan ni Sgt. Pepper, ang nanay ni Tony at kung sinu-sino pang mga tao, pinakita ni Wilwayco kung paano mamuhay, at patuloy na mamuhay sa kondisyon ng kawalan. Kung mahirap na maliit ang baon papuntang school, mas mahirap na magbenta ng balut sa gabi para lang maipangtustos sa highscool. At hindi rin masarap sa pakiramdam na maging isang dependent ng isang pulitiko. Ipinakita ni Wilwayco kung anong hirap ang dinadanas ng marami para lang makatungtong sa kolehiyo.

Pero marami siguro ang magsasabi, grabe naman ang bilib ko sa mga tauhang halata namang mga adik. Kung titingnan natin ang kabuuan ng nobela, napakaliit lamang na bahagi ang ibinigay sa paggamit kunwari ng marijuana. Minsan seryoso, madalas ay hindi. Pero sabi nga ni Foucault- kabaliwan lalo na maniwala sa diskursong ikinukubli sa dilim ang lahat ng hindi nito maintindihan. Maniwala kayo’t sa hindi, ang Mondomanila ay sinadyang isulat sa linggwahe kuno ng “adik”- dahil isa itong paraan para palitawin naman ang tunay na diwa ng literature engagee o committed literature. Ang linggwahe ng kanto at ng mga marurumi at delikadong kalsada ng Maynila ang ginawang sandata para magpaglaban ang mga kontradiksyon sa lipunan. Ang hindi gumamit ng ni isa mang hibla ng direktang Pilosopiya, o wag naman sana, relihiyon ay isang senyas ng maturity ng kwentista. Hindi madaling talakayin ang malawak na problema ng kahirapan at kawalan ng pag-asa sa linggwaheng patuloy na nagbabago sa kasalukuyan. Ang diskursong makabayan ay lumilitaw ngayon na napakaraming posibilidad- kailangan lamang mag-isip ng husto upang magamit ito.

Wasak

Naikwento sa akin ng isang kaibigan na dati raw ay naka-xerox lang ang Mondomanila at pwede kang makakuha ng kopya sa tapat ng Sarabia optical sa may Shopping Center sa UP. Sabi naman ng kapatid ng kaibigan kong ito, hindi daw niya nabili dati ang nobela dahil 500 pesos daw, ang mahal naman. Binili na lang daw niya, dalawang mas murang libro na halagang 500 din (pero dahil 350 na lang, bibili na daw siya). Dapat ba itong bilhin? Kung may project ka sa mga susunod na linggo, wag muna siguro. Dapat ba itong basahin? Sabi nga ng “Time” na naka-print sa likod ng Mondomanila- “Kung isang libro lang ang babasahin mo sa buhay na ‘to, ito na ‘yon!”

2 Responses to “Rebyu: Mondomanila ni Norman Wilwayco”

  1. culturalcritic said

    salamat. sa 17th hopefully makuha ko na ang Responde. ang ganda ng treatment mo sa lipunang Pilipino. may pag-asa pa ang literatura ng Pilipinas.

    (ilang taon na lang din, matotodas na ang mga oldies, hehe!)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: