Kontradiksyon: Ang Imahe ng Kahirapan, ang “Busilak na Pagkawanggawa” at mga Noontime Variety Shows

February 17, 2009

Isang Wowowee poster na ina-advertise ang "world tour" ng programa. Ang imahe na ito ay galing sa isa Wow Philippines web page. Bahagi na pala ng atraksyon sa Pilipinas ang noontime variety show na ito. Patunay ito na ang isang uri ng transnational capitalist enterprise, ang global tourism ay lumalakas pa lalo sa mga mahihirap na bansa. Bukod sa tiga-sagot tayo ng telepono, serbidor pa tayo ng mga turistang banyaga. Anong klaseng "progreso at trabaho" ang sinasabi niyo, Department of Tourism?

Isang Wowowee poster na ina-advertise ang "world tour" ng programa. Ang imahe na ito ay galing sa isa Wow Philippines web page. Bahagi na pala ng atraksyon sa Pilipinas ang noontime variety show na ito. Patunay ito na ang isang uri ng transnational capitalist enterprise, ang global tourism ay lumalakas pa lalo sa mga mahihirap na bansa. Bukod sa tiga-sagot tayo ng telepono, serbidor pa tayo ng mga turistang banyaga. Anong klaseng "progreso at trabaho" ang sinasabi niyo, Department of Tourism?

Sa isa pang naisulat ko ay nabanggit ko ang isang noontime variety show na kinakasangkapan ng husto ang imahe ng kahirapan para sa sarili nitong ganansya. Ngayon ay susubukin nating gawan ng mas malinaw na paliwanag ang mekanismo ng mga noontime variety show. Gagawin natin ito upang makita sa kabuuan ang tunay na layunin at ang tunay na posisyon ng mga pumupunta sa mga ganitong programa.

Wowowee bilang utopikong paraiso

Bakit minamahal ng mga manonood ang Wowowee? Himayin natin ang mga hayag na component nito upang lumitaw ang lohika ng produksyon nito. Sa simula pa lamang ng show ay laging may kantahan at sayawan, isang imbitasyon na makilahok sa “kasiyahan” ang mga manonood. Hindi mahalaga ang mga tao sa loob ng studio- ang mga ito, tulad ng lahat ng nasa show ay kosmetiko lamang. Tulad ng upuan o ilaw, sila ay may gamit o function sa kabuuan ng programa. Sa pagbubukas ng Wowowee ay may elemento kaagad ng piyesta, na malapit pa rin sa consciousness ng mga tao. Ang piyesta ay kinikilalang positibong bagay, at nakatagli rito ang konsepto ng kaligayahan, pagkakaroon ng komunidad (o pag-babayanihan) at higit sa lahat, ang suspension ng kahirapan o ang kondisyon ng pagiging salat.

Dalawang uri ng tauhan ang nagmamando sa Wowowee- at pareho itong nakatali pa rin sa tematikong reified na makikita sa mga soap opera, sa mga nobelang romansa, sa mga kolum na pangromansa o nangtutuya at sa mga pelikulang Pilipino. Una, ang host ay gumaganap na bidang “walang kahinaan”. Si Willie Revillame ay hindi mo makikita na nagpapakita ng hayag na kahinaan. Kung may ilang mga sitwasyon man na nabubura ng kaunti ang imahe niyang ito, ipinapakita niya kung gaano siyang mapagbigay, at kung gaano siya marunong magpatawad. Accumulation o pag-iipon ang taktika ni Willie Revillame upang mapanatili niyang malapit sa kanya ang mga parokyano ng Wowowee. Bukod pa rito, si Willie Revillame ay imahe ng isang success sa buhay- ang ilang fragment ng kanyang buhay ay nalalaman ng mga audience at ipinapakita niya sa kaniyang pananamit, pagsasalita at pamimigay ng pera ang kanyang success story. Ang konsepto ng pag-asa at pag-asam sa mas maginhawang buhay at stratehikong ginagamit upang mangarap ang mga taong nangangailangan talaga. Si Willie Revillame ay may private yacht at marami na ring mga mansion. Isa na itong kontradiksyon na pinipilit na hindi malaman ng marami. Kung malaman man, ay hindi ito isinasama sa stratehikong naratibo ng Wowowee. Sa Wowowee, lahat ay may pagkakataong maging pantay sa ilan- pwede kang magkapera kahit hindi ka magtrabaho. Di bale na na limpak-limpak na pera na ang mga taong nasa likod na ito. Wala iyon sa mga coordinates ng game(Bourdieu).

Sayaw darling, sayaw darling…

Isang utopikong espasyo ang Wowowee na gumagamit ng mga ordinaryong devices upang mahatak ang mga manonood. Ngunit isa lamang din ang goal ng pumupunta rito- ang ligaya. Kaya naman babalik tayo muli sa mga component ng Wowowee. Ano nga ba ang mga desire ang pinupunuan ng Wowowee?

Ang unang desire ay sex. Makikita ito sa mga suot ng mga nagsasayaw at sa pangalawang uri ng mga host, at sa paraan na sila ay idisplay na parang mga sariwang karne sa harap ng mga manonood. Pinapalitaw ng Wowowee na ito ay isang wholesome na programa. Ngunit bakit tuwing may mga sumasayaw na mga babaeng halos wala nang saplot ay palaging naka-zoom ang mga camera sa mga matatandang lalaking halatang nasisiyahan na sila’y nakakakita ng mga legs at mga dibdib ng mga mapuputi at makikinis na mga dancer? Ito ang isang paraan ng Wowowee upang mag-appeal sa mas maraming uri ng mga consumers. Nitong mga huling araw ay ang Coca Cola na ang pinakamalakas na endorser ng Wowowee. Ang Coke naman ay bumubuo ng isang naratibo kung saan ang kaligayahan ay itinatali sa pag-inom ng Coke. Nakakatawang isipin, kasi sa India ay depleted na ang groundwater sources dahil sa produksyon ng Coke. Anong klaseng ligaya ang gusto nilang ipamigay sa kanilang mga over-priced na sopdrink?

Ang mga dancer ay multi-functional. Una, sila ang pwedeng titigan dahil sa kanilang maiigsing suot, at sila ring ang medium kung saan dumadaan ang mga advertisement ng sponsor ng Wowowee. Kung walang mga dancer, ang atensyon ng manonood ay hindi magiging fixed sa mga produkto dahil sa gulo ng setup ng show. Masyadong maraming mga bagay na pwedeng tingnan. Ang mga tao lamang ay madalas sumasakop sa buong background. Kailangan ng mga mutya upang siguruhing:

  1. Makikita ang advertisment.
  2. Matatandaan kung ano ang produkto.
  3. Matatandaan kung para saan ito.
  4. Malalaman/matatandaan kung bakit mabuting bilhin ito.

Sistematikong bombardment ang ginagawa ng Wowowee sa mga manonood para siguraadong matatandaan nito ang mga produkto. Sa tono ng boses at sa mga grandiose na postura ng mga host ay lumilitaw na maganda, perpekto at tunay na kapaki-pakinabang ang mga produkto. Bukod sa mga host, ang mga produktong nagnanais ng malaking exposure ay matatagli na rin sa mga mukha ng mga dancer na nagdadala sa kanila. Madalas ang mga dancer ay may mga kanya-kanyang performance bago itulak ang produkto. Mas nakakahiya, mas katawa-tawa, mas maganda. Dahil mas matatandaan ang katawa-tawang mga sinabi kaysa sa ordinaryong pagtulak ng commodity.

Ang imahe ng kahirapan

Bakit parating hinihikayat ang mga kapos sa materyal na bagay as Wowowee? Una, sila ang nagsisilbing mga false spectator sa loob, at mga true spectator sa labas. Ang mga tunay na spectator sa loob ng show ang mga maykayang galing sa ibang bansa. Mga TFC subscribers na pumunta upang maaliw. Na tila ang realidad ng Pilipinas ay hindi pa sapat na “kaligayahan” para sa kanilang nag-uumapaw na mga puso.

May fetish ang mga may-kaya sa mga dukha. Ngunit madalas, ayaw nila itong makita sa kanilang mga tunay na lugar sa lipunan. Kaya sa halip, ang mga dukha ay ilalagay sa isang controlled environment tulad ng Wowowee. Dito ay maaari nilang sabihin ang kanilang mga hirap sa buhay- pero ang mga dukha rito ay inayusan na, nakabihis ng “disente” at hindi nanlilimahid o nakangiwi sa hirap ng buhay. Para sa mga may-kayang spectator, mas masarap panooring ang mahihirap na nagmumukhang katawa-tawa kaysa makita ang kanilang tunay na paghihirap. Ang batas ng Wowowee ay ganito: kung mas mahirap, mas nakakasuka at mas hindi kapani-paniwala ang iyong kahirapan at kasawian sa buhay, mas malaki ang iyong makukuhang pera. Kung hindi naman, patawanin mo na lamang ang host at ang mga manonood, baga limusan ka rin ng ilang libong piso. Ngunit ang tanong ko lamang sa network na responsible sa Wowowee, magkano ba ang kinikita ng inyong butihing show sa araw-araw?

Hindi sikreto na milyun-milyong piso ang pumapasok sa mga malalaking broadcasting network taon-taon. Pero gaya nga mga yate ni Willie, hindi ito isinasama sa naratibong binubuo at patuloy ang reproduksyon. Isang kontradiksyon na sabihin “In the Service of the Filipino” at garapal naman ang akumulasyon ng profit- dahil 20% or less lang ata ng buong lipunang Pilipino ang may kakayahang kumain kung kailan nito gusto talaga. Kung kapital lamang ang pag-uusapan, ang reproduksyon nito ay matagal nang secured. Bukod sa mga analyst na nasa ilalim ng administrasyong burukrata ng mga broadcasting network ay malaki ang informational capital ng mga ito- kaya madaling bantayan ang ebb at flow ng interes ng mga manonood (Market) at mga advertiser (capitalist investors). Biro mo, kung sana progresibo lamang ang mga ito ay matagal na sanang kasama ang mga ito sa makabayang pagbuwag sa mga bahagi ng lipunang Pilipino na hindi naman kailangan. Pero hindi na tayo dapat magtaka na ganito ang kinalabasan- dahil idealism lamang na ang broadcasting network ay bahagi ng saligan ng demokrasya. Negosyo ito- wala nang iba. Ang mga tunay na saligan ng demokrasya ay ang mga journalist at mga radiomen na walang habas na pinapatay ng mga big fish at small fry. Small fry na may mga armadong bodyguards at maraming mga kotse at mansion.

Imbitasyon sa kamatayan

Naaalala nyo pa ba ang trahedya sa ULTRA? Marami-rami ang nalumpo at namatay sa pangyayaring ito. At tulad ng ina-asahan ay mala-soap opera rin ang tugon ng Wowowee at ang mga administrative officer na naghawak nito. Meron pang nabuong isang maliit na pseudo-organization na may “Dreams” sa pangalan. Para daw matulungan ang mga pamilya ng namatay sa maliit na riot na sumabog bago pa man din magsimula ang programa sa Ultra. Bukod sa sistematikong exposure ng host (isang paghingi ng “tawad”- ngunit pansinin niyo na may plot din ang kanyang paglabas sa telebisyon) ay pinapalitaw na buong network ay naghihinagpis sa nangyari. Kung gusto talaga ng host o ng network na makatulong, baka ang lahat ng pamilya na ito ay hindi lang barya ang natanggap. Ang pananagutan sa pagkawala ng buhay ay hindi barya ang kapalit. Ang nawala sa mga pamilya ay isang mahal sa buhay, ang seguridad sa kinabukasan at higit sa lahat, ang social justice. Bakit nangyayari ito kahit na maaari namang naiwasan ito? Ang function ng post-mortem ay pag-aralan ang mga pangyayari- para hindi na ito maulit.

Ano ang konklusyon ng post-mortem na ito? Guilty ang mga organizer ng noontime variety show. Dugo ang kapalit ng kanilang programa na wala namang ibang ninais kundi kumita ng pera gamit ang imahe ng kahirapan.

2 Responses to “Kontradiksyon: Ang Imahe ng Kahirapan, ang “Busilak na Pagkawanggawa” at mga Noontime Variety Shows”

  1. nw said

    tv constantly reminds me that im sane.

  2. culturalcritic said

    oo, at sila, mga baliw!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: