Ang Mga Bagong Monumento

August 4, 2009

            Ang isa sa mga pekulyar na katangian ng mga monumento ay ang kawalan ng kasaysayan. Ang mga rebulto at iba pang mga monumento ng nasyon ay kailangang mawalan ng kasaysayan upang maging monumento. Sa ganitong paraan, maaari silang itayo sa isang lugar bilang dekorasyon; isang paalala na may particular na mga tao na nabuhay noon. Ganito rin ang nangyari sa mga popular na laman ng kasaysayan tulad ng Gomburza, Rizal, Bonifacio, etc. Nakikilala ang mga mukha at kung minsa’y nakikiliti ang imahinasyon. Ngunit sa huli ay ang mga monumento ay itinayo bilang isang paraan ng pagkalimot sa nakaraan.

 

            Sa Alemanya, mayroong isang malaking hukay sa isang eskinita roon. Isang malaking hukay lamang, upang ipaalala ang ilang mga pangyayari noong Holocaust. Sa kawalan, may kasaysayan. Mas maigi pa sana ang ganitong mga monumento. Masalimuot at nakakahiya mang isipin ang mga pangyayaring ipinaaalala ay may tunay na kuneksyon ito buhay ng nasyon, at ang mga taong nakapaloob rito.

 holocaust_0310_A_getty_1222988867

            Ganito rin pag may mga sikat na taong pumapanaw. Nang buhay pa sila’y kaliwa’t kanan na batikos ang inaabot o kaya ay hindi naman sila talaga mahalaga pagdating sa mga politika. Ngunit pag sila’y biglang wala na, daig pa ang mga santo. Walang dapat magtaka sa ganitong uri ng “pagmomonumento”; kailangan tanggalin ang kasaysayan para mabuo ang rebultong walang katangian kundi maging isang simbolo. Kailangan patagin ang identidad, upang maging bahagi na ng kultural na nasyonalismo ng namumunong uri. Kailangang pabanguhin ang pangalan at ang imahe, upang ang dumi at dugo ng mga nakaraang taon ay mahugasan sa imahinasyon ng marami. Kailangan grandiyoso at hindi-makakalimutan ang pagbuo ng bagong monumento; sapagkat pagkatapos nito ay magkakaroon na rin ng dahilan para sa taunang paggunita. Dadaan ang mga taon at ang rebulto ay makakalimutan na; pero may mga papalit rito. Tulad ng mga batang nagpa-anod ng mga bangkang papel sa ilog na marungis, may mga tao sa kasaysayan ng lipunang Pilipino na magiging bahagi ng politikal na adyenda sa ngayon. Ngunit kapag naubos na ang init at ang monumento ay wala nang matatag na kuneksyon sa mga tao ay babaling ang atensyon sa pagbuo muli ng mga panibagong simbolo ng kagitingan.

            Sapagkat sa ganitong paraan lamang mananatiling buhay ang mitolohiya ng estado at ang fiyudal na sistema sa lipunang Pilipino.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: