promdi sa up

(Filipino text)

sam_2865

may nabasa akong istatus kanina sa peysbuk tungkol sa mga tiga-mindanao at visayas na minamata raw ng ilang mga tiga-maynila.

kesyo raw…

– sila ang nagpapasikip sa maynila.
– di daw sila magaling.
– at kung anu-ano pa.

di ko na babanggitin ang eskwelang involved, pero sige na nga, sa la salle daw. ewan ko lang kung aling la salle at maraming la salle.

di ako tiga-la salle kaya wala akong alam sa kultura nito. ilang tao lang din ang kilala kong gradweyt dito at mabubuting tao sila kaya talagang hindi pwedeng mag-operate mula sa punto de bista ng isang outsider.

parallel reading na lamang ating gawin, base sa personal na karanasan ko.

iku-kwento ko na lang ang mga karanasan ko bilang promdi sa UP.

simula tayo sa umpisa. ang UP taon-taon ay sinisikap na maabot kahit papaano ang mga tiga-probinsya sa taunang UPCAT.

ito ang unang kontak ng mga isko at iska sa institusyong ito. at mula rito’y malalaman mong may mga pagdadaanan ka nang kakaiba. mahirap ang UPCAT, eh. ako nahirapan ako. in fact bagsak ang geometry at maths ko sa UPCAT.

unang araw ko sa UP, sa sobrang nerbyos ko pumasok ako isang oras bago ang aking unang klase, sa ilalim ni Prop. Naida Rivera.

wala akong alam – as in wala. ni hindi nga ako sigurado kung paano latag ng kursong ipinasa ko sa UPCAT.

may tinanong si Prop. Rivera, alam ko ang sagot. tumayo ako. nagpaliwanag. naupo ulit.

medyo natigilan ang klase, may ilang tumawa sa likod.

bago matapos ang klase, tahimik na nagpaliwanag si Prop. Rivera:

“the students of UP in the fifties fought for the right NOT to stand up in class when answering professors. as such, i do not require any of you to stand up when answering questions.”

syempre hanggang tanghalian medyo namumula tenga ko.

isa-isa kong nakilala ang mga kasama ko sa programa. karamihan, tulad ng inaasahan, galing sa gitnang uri at galing sa iba’t ibang lugar: Davao, Laguna, atbp. ako naman ay galing sa Cabanatuan, sa Nueva Ecija. para kaming mga buto mula sa iba’t ibang lupalop ng Pilipinas na isinabog sa UP.

isang kulumpon kami na iba-iba ang punto tuwing nagsasalita, iba-iba ang kinalakihan, iba-iba rin ang estado sa buhay. minsan may mga bagay silang sinasabi na di ko agad nauunawaan, at ganoon rin sila sakin. tulungan lang kami, hanggang sa graduation. (nahuli pa ako gumradweyt!)

bisaya? marami akong kasama sa programa na bisaya. alam mong bisaya ang kausap mo kasi hirap minsan sa Filipino, pero maganda karamihan mag-ingles. bukod doon, HINDI MO MALALAMAN na sila’y tiga-visayas o mindanao.

malamang e bibigwasan ko rin

ang magsasabing promdi ako

dahil sa aking sinasabi.

what the hell is that supposed to mean?

nagkasundo ba kaming lahat? bilang isa sa tatlong lalaki lamang sa programa, masasabi kong hindi ako namata ni minsan. hindi rin naging isyu ang pagiging promdi ko. nakakatuwa pa nga at tuwing uuwi ako sa probinsya, sasabihin pa nila: uy, ingat ka ha! kasi alam nilang sa malayo pa ako uuwi. madalas din, naikukwento nila ang kanilang mga buhay-buhay sa probinsya.

ang buhay sa probinsya ng gitnang uri ay hindi nakaugat sa kalabaw o magagandang tanawin. nakaugat ito sa kakapusan ng pera, sa pag-aaway sa loob ng pamilya, sa pagpupursiging matapos ang nasimulang kurso.

s6300085
Ang aking mahal na kolehiyo. Di mabilang na stick ng sigarilyo ang tinambutso ko rito, kasama ang mga barkada at katoto na walang katulad – sila amang Jun Cruz Reyes, Bomen Guillermo, atbp. Napakarami kong natutunan sa tambay sa UP. Marami rin akong nakaing sisig sa KATAG na nagiisang eatery na malapit sa CAL. Di naman ako mahilig sa kape kaya di ko rin gaano tinatambayan yung cafe na malapit dito. Isa pang paborito kong tambayan (di ko alam kung naroon pa) ay yung mga maliliit na tindahan sa harap ng Palma Hall. Dati doon pa ako nakaka-iskor ng Winston Lights. Tapos C2 litro at siomai. Dadalhin ko ang C2 at siomai sa klase at aamoy sa klase ang bawang. Ayun. Gutom lahat ng tao.

sa apat at kalahating taon na inilagi ko sa UP, napakaraming uri ng tao ang aking nakasalimuha. ang isa sa mga kaibigan ko noon ay nagsimulang straight, tapos naging lesbian, tapos naging confused, bago nagsettle na lesbian talaga. naalala ko pa noon na kakain ako sa Katag, isang canteen sa College of Arts & Letters (CAL).

pinakilala niya sa akin ang isang skinhead na dalaga.

“marius! asawa ko. my wife!”

syempre ako bilang promdi, nagulat. nangiti ako at kinamayan ang asawa ng aking kaibigan. ok sa alright. no problem. e ano naman kung asawa nga niya yun? wag lang sigurong sabihin na asawa niya isang bangkito o isang backpack. baka umangal na ako ng kaunti.

kung sa diskriminasyon, mayroon din naman.

pero hindi dahil ako’y promdi, ngunit dahil ako’y galing sa humanidades (humanities).

tandang-tanda ko pa noong ako’y nasa 2nd semester ng first year. kumuha ako ng biology class. sa unang meeting ng aming propesor, ang sabi niya:

“lahat ng humanities at non-science, please sit at the back. lahat ng engineering at science, please sit at the front.”

walang kaabog-abog, walang paliwanag. e di lumipat ako sa likod, kasama ng iba’ng hindi galing sa sciences. magkakasama sa harap ang mga engineering, biology major, physics major, economics.

mula noon ay hindi ko na gaanong pinansin ang propesor na kumikislap ang mga mata tuwing malalaman na tiga-engineering ang kanyang kausap.

di ko kailangan mga katulad niyang may sayad.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s